NAMUMURO ang panibagong malakihang pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo.
Sa pagtaya ni Department of Energy-Oil Industry Management Bureau Director III Rodela Romero, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay maaaring tumaas ng P0.85 hanggang P1.15
Nasa P1.55 hanggang P1.85 kada litro naman ang inaasahang taas-presyo sa diesel at P1.00 hanggang P1.10 sa kerosene.
“Relevant news for the week that push the oil prices up are the continued geopolitical tensions and supply risks. Last June 18, Ukrainian drone strike caused a fire at a major Russian oil terminal while the Israel’s ‘all out war’ with Lebanon’s Hezbollah contributed to the tension,” sabi ni Romero.
“The OPEC’s (Organization of Petroleum Exporting Countries) optimistic outlook that forecasted for strong growth in global oil demand for 2024 and 2025; and the peak summer driving season in Northern Hemisphere area also support oil prices,” dagdag pa niya.
Samantala, sinabi ng Jetti Petroleum na matapos ang unang apat na araw na MOPS (Mean of Platts Singapore) at foreign exchange average laban sa full week average noong nakaraang linggo, ang presyo ng kada litro ng diesel ay posibleng tumaas ng P1.70 hanggang P1.80, habang sa gasolina ay P1.10 hanggang P1.20 kada litro.
Ang mga kompanya ng langis ay karaniwang nag-aanunsiyo ng price adjustments tuwing Lunes, na kanilang ipinatutupad kinabukasan.
Noong nakaraang Martes, June 18, ang presyo ng gasolina, diesel, at kerosene ay tumaas ng P0.85, P1.75, at P1.90 kada litro, ayon sa pagkakasunod-sunod.
Hanggang Hunyo 18, 2024, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay tumaas na ng P6.90, diesel ng P6 at kerosene ng P0.35 ngayong taon.
LIZA SORIANO