MAY inaasahang malakihang bawas sa presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo.
Ito na ang ikatlong sunod na linggo na may rolbak sa presyo ng gasolina at ika-5 sa diesel at kerosene.
Base sa four-day international oil trading, sinabi ni Department of Energy-Oil Industry Management Bureau Director III Rodela Romero na ang presyo ng gasolina ay posibleng bumaba ng P2.30 hanggang P2.50 kada litro.
Nasa P1.90 hanggang P2.10 kada litro naman ang tinatayang bawas-presyo sa diesel at P2.35 hanggang P2.40 kada litro sa kerosene.
Sinabi ni Romero na ang resulta ng trading ng Biyernes ang magdedetermina sa final adjustments na ipatutupad ng mga kompanya ng langis.
“The sharp declines underscored the market’s continued struggle between the recession concerns and the geopolitical tensions,” sabi ni Romero
“Other bearish factors such as the growing concerns about lack luster consumption especially of China and a worsening outlook for global economy, and stronger peso outweigh bullish factors that push the oil prices up,” dagdag pa niya.
Ang mga kompanya ng langis ay karaniwang nag-aanunsiyo ng price adjustments tuwing Lunes, na kanilang ipinatutupad kinabukasan.
Noong nakaraang Martes, July 6, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay bumaba ng P0.10, diesel ng P0.20, at kerosene ng P0.45.
Ang presyo ng gasolina ay tumaas na ng P9.50 kada litro at diesel ng P6.65 kada litro ngayong taon.
Samantala, ang kerosene ay may total net decrease na P0.75 kada litro.