INAASAHAN ang panibagong big-time rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo.
Sa pagtaya ni Department of Energy-Oil Industry Management Bureau Assistant Director Rodela Romero base sa international oil trading sa nakalipas na apat na araw, ang presyo ng gasolina ay posibleng bumaba ng P0.90 hanggang P1.20 kada litro, diesel ng P1.30 hanggang 1.60 kada litro, at kerosene ng P1.50 hanggang P1.65 kada litro.
“Weakening global demand prospects and expectations of oil oversupply are the main factors for the said rollbacks,” ayon kay Romero.
Aniya, ang pangangailangan sa krudo ng China ay nananatiling seasonally weak.
“On the supply side, Iraqi’s and Libyan’s crude exports hit an eight-month high and have resumed loading, respectively,” sabi pa ni Romero.
Ang mga kompanya ng langis ay karaniwang nag-aanunsiyo ng price adjustments tuwing Lunes, na kanilang ipinatutupad kinabukasan.
Noong nakaraang Martes, September 10, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay tumaas ng P1.55, diesel ng P1.30, at kerosene ng P1.40.
Ngayong taon, ang presyo ng gasolina ay tumaas na ng P5.85 kada litro at diesel ng P3.05 kada litro.
Nagtala naman ang kerosene ng year-to-date net decrease na P4.70 kada litro.
Base sa price monitoring ng DOE, sa Metro Manila, ang umiiral na presyo ng gasolina ay nasa P52.80 hanggang P74.00 kada litro; diesel, P48.00 hanggang P62.80 kada litro; at kerosene, mula P69.34 hanggang P83.70 kada litro.
LIZA SORIANO