INAASAHAN ang mixed movements sa presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo.
Ayon kay Department of Energy-Oil Industry Management Bureau Director III Rodela Romero, ito ay matapos ang four-day trading.
“We will experience a mixed movement in the prices of petroleum products by Tuesday next week,” ani Romero.
Sa pagtaya ni Romero, ang presyo ng gasolina ay tataas ng P0.40 hanggang P0.60 kada litro.
May rolbak naman na P0.60 hanggang P0.85 sa presyo ng kada litro ng diesel habang P0.60 hanggang P0.80 sa kerosene.
Ang final pump price adjustments ay malalaman matapos ang trading sa Biyernes.
“These domestic pump adjustments are attributed to the lingering factors of geopolitical conflict in the Middle East and the unexpected reduction of fuel demand in big economies like China and US,” ani Romero.
“However, analysts say that the volatility in the energy markets is expected to continue,” dagdag pa niya.
Ang mga kompanya ng langis ay karaniwang nag-aanunsiyo ng price adjustments tuwing Lunes na kanilang ipinatutupad kinabukasan.
Noong nakaraang Martes, April 16, ang presyo ng kada litro ng diesel ay tumaas ng P0.95, kerosene ng P0.85, at gasolina ng P0.40.
Sa datos ng Department of Energy (DOE), hanggang Abril 16, 2024, naitala ang year-to-date net increase na P9.70 kada litro para sa gasolina, P7.00 para sa diesel, at P2.25 sa kerosene.
LIZA SORIANO