MAKAAASA ang mga motorista ng isa pang rolbak sa presyo ng kada litro ng diesel at kerosene, habang maaaring tumaas ang sa gasolina sa susunod na linggo.
Base sa oil trading sa nakalipas na apat na araw, sinasabi ni Department of Energy-Oil Industry Management Bureau Director III Rodela Romero na maaaring walang adjustment o tumaas ng P0.20 kada litro ang presyo ng gasolina.
Posible namang bumaba ang presyo ng diesel ng P0.30 hanggang P0.60 kada litro, at kerosene ng P0.60 hanggang P0.70 kada litro.
Ang resulta ng trading ng Biyernes ang magdedetermina ng final adjustments.
“Crude oil prices lost their gaining streak on the early part of the week as market participants remained cautious over the global demand outlook with top importer China experiencing slow economic growth,” sabi ni Romero.
“Also, there is an expectation of higher crude flows from Iran. But yesterday’s trading and relevant news showed demand optimism after US crude inventories declined,” dagdag pa niya.
Ang mga kompanya ng langis sy karaniwang nag-aanunsiyo ng price adjustments tuwing Lunes, na kanilang ipinatutupad kinabukasan.
Noong nakaraang Martes, Hulyo 16, ang presyo ng gasolina, diesel, at kerosene ay bumaba ng P0.60, P0.90 at P1.15 kada litro, ayon sa pagkakasunod-sunod.
Hanggang noong Hulyo 16, ang presyo ng gasolina ay tumaas na ng P10.25 kada litro, diesel ng P8.15 kada litro, at kerosene ng P1.20 kada litro.
LIZA SORIANO