INAASAHAN ang panibagong pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo.
Sa pagtaya ng Oil Industry Management Bureau ng Department of Energy (DOE), ang presyo ng gasolina ay tataas ng mula P0.40 hanggang P0.70 kada litro, diesel ng P0.45 hanggang P0.75 kada litro, at kerosene ng P0.65 hanggang P0.75 kada litro.
Ayon kay DOE-OIMB Assistant Director Rodela Romero, ang tinatayang price adjustments ay base sa international petroleum trading sa nakalipas na apat na araw.
Ang mga kompanya ng langis ay karaniwang nag-aanunsiyo ng price adjustments tuwing Lunes, na kanilang ipinatutupad kinabukasan.
Noong nakaraang Martes, January 7, ang presyo ng gasolina at kerosene ay tumaas ng P1 kada litro habang ang diesel ay P1.40 kada litro.
Noong 2024, ang gasolina at diesel ay nagtala ng total net increase na P12.75 kada litro at P11 kada litro, ayon sa pagkakasunod.
Samantala, ang kerosene ay may total net decrease na P2.70 kada litro noong nakaraang taon.