(Nagbabadya sa susunod na linggo) DAGDAG-PRESYO SA PETROLYO

MATAPOS ang big-time rollback ay inaasahan ang pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo.

Tinukoy ang pagtaya ng industriya base sa international oil trading sa nakalipas na apat na araw, sinabi ni Department of Energy-Oil Industry Management Bureau Assistant Director Rodela Romero na ang presyo ng gasolina ay maaaring tumaas ng P0.20 hanggang P0.45 kada litro.

Nasa P0.20 kada litro naman ang inaasahang price hike sa diesel at P0.45 hanggang P0.55 kada litro sa kerosene.

Sinabi ni Romero na ang resulta ng trading nitong Biyernes ang magdedetermina sa final adjustments na ipatutupad sa Martes, September 3.

“The anticipated per liter hikes in fuel prices could be attributed to combination of escalating geopolitical tensions and a sudden halt in Libyan oil production/exports [that] sent shockwaves through global markets,” ayon kay Romero.

“Market looking the turn of US Federal Reserve into its rate cut cycle from September which has lifted the outlook for global economic activity and crude demands. But the economic worries in the US and China overshadow supply risks that make prices bearish yesterday, Thursday,” dagdag pa niya.

Ang mga kompanya ng langis ay karaniwang nag-aanunsiyo ng price adjustments tuwing Lunes na kanilang ipinatutupad kinabukasan.

Noong nakaraang Martes, August 27, ang presyo ng gasolina ay bumaba ng P1.15 kada litro, diesel ng P1.90 kada litro, at kerosene ng P1.85 kada litro.

Ngayong taon, ang presyo ng gasolina ay tumaas na ng P6.90 kada litro at diesel ng P4.05 kada litro.

Nagtala naman ang kerosene ng year-to-date net decrease na P4 kada litro.
LIZA SORIANO