(Nagbabadya sa susunod na linggo) HIGIT P2/L PRICE HIKE SA PETROLYO

INAASAHAN ang malakihang pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo.

Sinabi ni Department of Energy-Oil Industry Management Bureau Assistant Director Rodela na base sa international petroleum trading sa nakalipas na apat na araw, ang presyo ng gasolina ay tinatayang tataas ng P2.00 hanggang P2.30 kada litro.

Nasa P2.35 hanggang P2.65 kada litro naman ang inaasahang taas-presyo sa diesel, at P2.45 hanggang P2.55 kada litro sa kerosene.

Tinukoy ni Romero ang umiigting na tensiyon sa Middle East na nagbabantang makaapekto sa oil exports na isa sa mga dahilan ng oil price hike.

Ang final adjustments ay madedetermina matapos ang Friday trading.

Ang mga kompanya ng langis ay karaniwang nag-aanunsiyo ng price adjustments tuwing Lunes, na kanilang ipinatutupad kinabukasan.

Noong nakaraang Martes, October 8, ang presyo ng diesel at kerosene ay tumaas ng P1.20 kada litro at P0.70 kada litro, ayon sa pagkakasunod, habang walang naging paggalaw sa gasolina.

Year-to-date, ang presyo ng diesel ay tumaas na ng P4.05 kada litro, habang ang gasolina ay P6.40 kada litro.

Samantala, ang kerosene ay may year-to-date net decrease na P5.35 kada litro.

Batay sa price monitoring ng DOE, sa Metro Manila, ang umiiral na retail prices ng gasolina ay naglalaro sa P50.30 hanggang P71.03 kada litro, diesel sa P5.40 hanggang P59.80 kada litro, at kerosene mula P66.59 hanggang P77.65 kada litro.