MAY panibagong rolbak sa presyo ng mga produktong petrolyo na inaasahan sa susunod na linggo.
Sa pagtaya ni Department of Energy-Oil Industry Management Bureau (DOE-OIMB) Director III Rodela Romero, base sa 4-day trading, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay bababa ng P 2 hanggang P2.25.
Nasa P 0.50 hanggang 0.85 kada litro naman ang posibleng tapyas sa presyo ng diesel at P 0.90 hanggang 1.00 kada litro sa kerosene.
Ang rolbak ay ikatlong sunod na linggo para sa gasolina at ikaapat kapwa sa diesel at kerosene.
“Oil prices fell in Asian trade as industry data pointed to the sustained increase in US inventories, which contributed to the rollback,” sabi ni Romero.
Ang final adjustments ay madedetermina matapos ang huling araw ng trading kahapon.
Ang mga kompanya ng langis ay karaniwang nag-aanunsiyo ng price adjustments tuwing Lunes na kanilang ipinatutupad kinabukasan.
Noong nakaraang Martes, Mayo 7, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay bumaba ng P0.75, diesel ng P0.90, at kerosene ng P1.05.
Hanggang noong Mayo 7, 2024., ang year-to-date adjustments ay nagtala ng pagtaas na P9.25 kada litro para sa gasolina at P4.70 sa diesel.