MATAPOS ang dagdag-bawas, makaaasa ang mga motorista ng pagbaba sa presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo.
Base sa oil trading sa nakalipas na apat na araw, sinabi ni Department of Energy-Oil Industry Management Bureau Assistant Director Rodela Romero na ang presyo ng gasolina ay posibleng bumaba ng P0.50-P0.80 kada litro, diesel, P0.20-P0.50 kada litro, habang ang rolbak sa presyo ng kerosene ay tinatayang nasa P0.20-P0.45 kada litro.
Sinabi ni Romero na maaari pang magbago ang pagtaya depende sa Friday trading.
“The rollbacks are attributed to the fluctuating demand concerns in China and US and the expected oil supply from non-OPEC countries that continue to rise,” ayon sa Energy official.
Ang mga kompanya ng langis ay karaniwang nag-aanunsiyo ng price adjustments tuwing Lunes, na kanilang ipinatutupad kinabukasan.
Noong nakaraang Martes, Marso 5, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay tumaas ng P0.50 kada litro, habang ang presyo ng diesel at kerosene ay bumaba ng P0.40 at P0.35 kada litro, ayon sa pagkakasunod.
Hanggang Marso 5, naitala ang year-to-date net increase na P5.95 kada litro para sa gasolina, P4.05 sa diesel, at P0.05 sa kerosene.