MATAPOS ang mahigit P2 kada litrong pagtaas, makaaasa ang mga motorista ng rolbak sa presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo.
Ayon kay Department of Energy-Oil Industry Management Bureau Assistant Director Rodela Romero, base sa fuel trading sa nakalipas na apat na araw, ang presyo ng gasolina ay tinatayang bababa ng P0.50 hanggang P0.75 kada litro.
Nasa P1.00 hanggang P1.15 kada litro naman ang inaasahang bawas-presyo sa diesel, at P0.90 hanggang P1.00 kada litro sa kerosene.
Ang mga kompanya ng langis ay karaniwang nag-aanunsiyo ng price adjustments tuwing Lunes, na kanilang ipinatutupad kinabukasan.
Noong nakaraang Martes, October 15, ang presyo ng gasolina ay tumaas ng P2.60 hanggang P2.65 kada litro, diesel ng P2.70 kada litro at kerosene ng P2.60 kada litro.
Year-to-date, ang presyo ng gasolina at diesel ay tumaas na ng P9.05 kada litro at P6.75 kada litro, ayon sa pagkakasunod.
Samantala, ang kerosene ay may year-to-date total net decrease na P2.75 kada litro.
Batay sa price monitoring ng DOE, sa Metro Manila, ang umiiral na retail prices ng gasolina ay naglalaro sa P50.20 hanggang P70.20 kada litro, diesel mula P46.40 hanggang P61.00 kada litro, at kerosene mula P67.29 hanggang P78.14 kada litro.