INAASAHANG tataas na naman ang presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo.
Kapag nagkataon, ito na ang ikatlong sunod na linggo na magpapatupad ang mga kompanya ng langis ng price hike.
Tinukoy ang international oil trading sa nakalipas na apat na araw, sinabi ni Department of Energy-Oil Industry Management Bureau Director III Rodela Romero na ang presyo ng mga produktong petrolyo ay tataas ng mas mababa sa piso sa Martes, Hulyo 2.
Ayon kay Romero, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay tinatayang tataas ng P0.50 hanggang P0.80, diesel ng P0.30 hanggang P0.60, at kerosene ng P0.20 hanggang P0.40.
“Crude oil futures were a bit higher as the global supply outlook remained threatened by the potential escalation of geopolitical unrest, due to the drone attack of Ukraine hitting Russian refineries, the production restriction of OPEC (Organization of Petroleum Exporting Countries) and the forecast for the peak summer season demand starting third quarter of this year,” paliwanag ni Romero.
Ang mga kompanya ng langis ay karaniwang nag-aanunsiyo ng price adjustments tuwing Lunes na kanilang ipinatutupad kinabukasan.
Noong Martes, Hunyo 25, ang presyo ng kada litro ng gasolina, diesel, at kerosene ay tumaas ng P1.40, P1.75, at P1.90, ayon sa pagkakasunod-sunod.
Hanggang noong Hunyo 25, ang presyo ng gasolina ay tumaas na ng P8.30 kada litro, diesel ng P7.75 kada litro, at kerosene ng P1.40 kada litro.