MALAKIHANG pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo ang inaasahang sasalubong sa mga motorista sa susunod na linggo.
Ayon sa isang oil industry source, ang presyo ng kada litro ng diesel ay maaaring tumaas ng P6 hanggang P6.30.
Samantala, inaasahan naman ang P1.10 hanggang P1.40 taas-presyo sa kada litro ng gasolina.
Ang mga kompanya ng langis ay karaniwang nag-aanunsiyo ng price adjustments araw ng Lunes na kanilang ipinatutupad kinabukasan.
Noong nakaraang Martes, Oktubre 4, ang presyo ng kada litro ng gasolina at diesel ay bumaba ng P0.45, habang ang kerosene ay may tapyas na P0.85 kada litro.
Ayon sa Department of Energy (DOE), hanggang Setyembre 27, ang net price increases buhat nang magsimula ang taon para sa gasolina at diesel ay nasa P14.85 at P29.40 65 kada litro, ayon sa pagkakasunod.
Sa datos ng DOE, hanggang Set. 29, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay naglalaro sa P61.45 hanggang P71.45 sa Quezon City, habang ang diesel ay mula P65.90 hanggang P74.84 sa Manila.