NAGBABADYANG KRISIS SA ENERHIYA AGAD TINUGUNAN

SUPORTADO ni Senador Raffy Tulfo ang panawagan ni Pangulong Bongbong Marcos para sa agresibong aksiyon upang matugunan ang panandalian at pangmatagalang pangangailangan sa enerhiya ng bansa.

Ani Tulfo, ang pagtutulungan ng Senado at Ehekutibo ay maaaring maging paraan para maiwasan ang nagbabadyang krisis sa enerhiya.

“Taos puso ang pasasalamat ko kay Pangulong Bongbong Marcos para sa kaniyang agarang pag-tugon sa nagbabadyang energy crisis. Maraming bansa ang kasalukuyan nang kinakaharap ito. Mabuti at maaga pa ay naghahanda na tayo,” anang senador.

“Sa pagtutulungan ng Senado at ng Ehekutibo, mapipigilan natin ang energy crisis o kung hindi man, maaalalayan naman natin ang ating mga kababayan sa mga epekto nito,” dagdag pa nito.

Kamakailan lamang ay nakipagpulong si PBBM sa mga opisyal ng Department of Energy (DOE) at iba pang kaugnay na ahensiya upang mag-brainstorm ng mga hakbang na dapat gawin para matiyak ang sapat na supply ng enerhiya.

Kasunod ng nasabing pagpupulong, sinabi ng Pangulo na dapat maging agresibo ang gobyerno sa pagtugon sa mga problema sa enerhiya ng bansa.

Bilang Chairman ng Energy Committee, nagsimula na si Tulfo na maghanap ng mga panandaliang solusyon sa problema sa enerhiya ng bansa sa pamamagitan ng pagiimbestiga sa totoong dahilan ng mataas na halaga ng koryente sa iba’t ibang on-grid at off-grid na lugar.

Una nilang tinalakay ang epekto ng maling pamamalakad ng ilang electric cooperatives sa presyo ng kuryente ng kanilang consumers.

“Mula sa aming imbestigasyon, napag-alaman namin na dapat magkaroon ng batas upang ma-regulate nang mas mahigpit ng National Electrification Administration (NEA) ang mga board members ng mga electric cooperatives upang matigil na ang pagwawaldas nila ng pera ng mga miyembro ng kooperatiba,” ani Tulfo.

“Sa ganitong pamamaraan, ang kinikita ng mga electric cooperatives mula sa kanilang serbisyo ay mapupunta sa imprastruktura at hindi sa bulsa. Kaakibat nito, inilalathala na din namin ang ilang mga batas na makakatulong sa mabilisang interconnection na isinasagawa ng NGCP sapagkat malaking hadlang sa kanila ang mga kaso ng expropriation kung saan hindi sila nabibigyan ng “right of way” upang mapatayo ang mga transmission lines, towers, at transformers,” dagdag nito.

Sinabi rin ng senador mula sa Isabela at Davao na patuloy nilang tatalakayin ang isyu sa biglaang pagtaas ng presyo ng diesel dahil dito umaasa ang small power utilities groups upang magpatakbo ng kanilang powerplants

“Sisiguraduhin ko na proportionate ang pag-akyat ng presyo ng diesel at ng fuel products abroad sa pag-akyat ng presyo dito sa ating bansa. Sa estado ng fuel market ngayon, makikita na may ilang tao na ginagamit na lamang ang kakaunting pag-angat ng presyo sa world market upang maging dahilan ng napakalaki para lamang kumita ng mas madaming pera,” sabi niya.
Samantala, sinabi ni Tulfo na patuloy silang makikipag-ugnayan sa DOE upang maipasa ang mga panukala para maipatupad ang off-shore wind farms na iminungkahi ni Pangulong Marcos bilang isa sa mga long-term solution sa energy crisis.

Matatandaang naunang naghain ng Proposed Senate Resolution (PSR) No. 107 si Tulfo na naglalayong makahanap ng agarang solusyon sa napipintong krisis sa enerhiya.

Tinapos ni Tulfo ang kanyang pahayag sa isang pangakong susuportahan ang mga direksyon ng Pangulo patungkol sa aksyon para matugunan ang nagbabadyang krisis sa enerhiya. VICKY CERVALES