NAGBUHOS si Devin Booker ng 35 points, nagdagdag si Chris Paul ng 19 points at 14 assists, at nahila ng Phoenix ang winning streak nito sa pamamagitan ng panalo laban sa bisitang Philadelphia, 114-104.
Nag-ambag si Deandre Ayton ng 14 points at 12 rebounds para sa Suns, na nanalo sa kanilang huling anim na meetings laban sa 76ers. Umiskor si Landry Shamet ng 12 points at kumubra si Mikal Bridges ng 11.
Nanguna si Joel Embiid para Sixers na may 37 points at 15 rebounds, habang tumipa si Tyrese Maxey ng 18 points. Umangat ang Phoenix sa 45-0 ngayong season kapag lumamang matapos ang tatlong quarters.
WIZARDS 123, WARRIORS 115
Bumuslo si rookie Corey Kispert ng 6-of-9 mula sa 3-point range at umiskor ng career-high 25 points upang tulungan ang host Washington na magwagi kontra Golden State.
Halos mapantayan ng anim na 3-pointers ni Kispert — na isa ring career-high — ang output ng Warriors mula sa arc bilang isang koponan. Sa pagkaka-sideline ni Stephen Curry sa ika-5 sunod na laro dahil sa foot injury, bumuslo ang Golden State ng 8-of-33 lamang mula sa 3-point area.
Ang Wizards ay nagtala ng 16-of-28 sa 3-point line, kabilang ang 3-of-3 mula kay Kentavious Caldwell-Pope, na tumapos na may 22 points. Umiskor sina Klay Thompson at Jordan Poole ng 25 at 26 points, ayon sa pagkakasunod, para pangunahan ang Golden State.
Sa iba pang laro, dinispatsa ng Hornets ang Nets, 119-110; ginapi ng Mavericks ang Jazz, 114-100; namayani ang Celtics sa Timberwolves, 134-112; hiniya ng Pelicans ang Lakers, 116-108; at ibinasura ng Knicks ang Pistons, 104-102.