NAGBABAGA ANG SUNS

NAKAKOLEKTA si Chris Paul ng 21 points, 14 assists at 10 rebounds upang tulungan ang Phoenix Suns na dispatsahin ang bisitang Minnesota Timberwolves, 134-124, Biyernes ng gabi para sa kanilang ika-9 na sunod na panalo.

Nanguna si Devin Booker ng Phoenix sa lahat ng scorers na may 29 points na sinamahan ng 9 assists. Nag-ambag si Cameron Johnson ng 23 points, at naipasok ang 5 sa 9 attempts mula sa 3-point arc.

Kumana si Anthony Edwards ng 27 points at 10 assists para sa Minnesota, na natalo ng dalawang sunod. Tumapos si Karl-Anthony Towns na may 23 points at 9 boards, at nagdagdag si Malik Beasley ng 26 points mula sa bench.

HORNETS 117,

LAKERS 114

Umiskor si Miles Bridges ng  26 points at nagbigay si Ish Smith ng malaking suporta mula sa bench na may 22 points nang gapiin ng host Charlotte ang injury-riddled Los Angeles.

Tumipa sina Terry Rozier at LaMelo Ball ng tig-20 points para sa Charlotte, na nagtala ng franchise record na 158 points laban sa Indiana Pacers, dalawang gabi na ang nakalilipas.

Muling lumiban si Lebron James ng Lakers dahil sa pamamaga ng tuhod. Naitala ni Russell Westbrook ang lahat ng kanyang 35 points maliban sa lima sa second half at kumubra si Carmelo Anthony ng 19 points para sa Lakers.

HEAT 121,

CLIPPERS 114

Bumuslo si Gabe Vincent ng 6-for-8 sa third-quarter 3-point attempts at kumamada si Jimmy Butler ng 16-for-16 sa free throws tungo sa 26 points nang pataubin ng Miami ang bisitang Los Angeles.

Umiskor si Vincent, naging starter kapalit ni point guard Kyle Lowry — na lumiban sa ika-6 na sunod na laro dahil sa personal reasons — ng 23 points. Nagdagdag si Butler, naglaro na may sore left foot, ng 6 rebounds at game-high 9 assists para sa Heat, na may best home record sa Eastern Conference (18-5). Ang Miami rin ang may best overall ledger sa East (32-17).

Ang panalo ay una ng Miami kontra Clippers magmula noong Dec. 8, 2018, na pumutol sa six-game losing streak sa series.

Nanguna si Luke Kennard para sa Clippers na may 23 points.

Sa iba pang laro ay nadominahan ng Magic ang Pistons, 119-103; kinalawit ng Hawks ang Celtics, 108-92; naungusan ng Pacers ang Thunder, 113-110 (OT); pinadapa ng Bucks ang Knicks, 123-108; pinaamo ng Spurs ang Bulls, 131-122; pinabagsak ng Trail Blazers ang Rockets,125-110; at ginapi ng Nuggets ang Pelicans, 116-105.