IDINEKLARA na ng Department of Health (DOH) nitong Miyerkules ang Code White alert sa lahat ng mga tanggapan nito sa buong bansa dahil sa sama ng panahon na dala ng Bagyong Carina at ng Enhanced Southwest Monsoon (Habagat).
Sinabi ng DOH na itinaas ang Code White alert sa Centers for Health Development sa lahat ng rehiyon, gayundin sa Ministry of Health sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Karaniwang idinedeklara ng DOH ang Code White alert sa panahon ng mga kaganapan o holiday “na maaaring magdulot ng mass casualty incidents o emergency.”
Sa pamamagitan nito, ang mga yunit ng kalusugan ay inatasan na magsagawa ng maagap na pagsubaybay at pag-uulat ng anumang hindi kanais-nais na mga insidente sa kalusugan sa pamamagitan ng DOH Health Emergency Management Bureau (HEMB) integrated information system na naka-link sa HEMB Operations Center.
Samantala, Nagbabala rin ang DOH sa publiko laban sa leptospirosis na maaaring makuha mula sa tubig-baha.
Nitong Hulyo 13, may kabuuang 1,258 na kaso ng leptospirosis ang naitala sa bansa hanggang ngayong taon.
Sa anim na linggo bago ang Hulyo 13, sinabi ng DOH na ang mga kaso ng leptospirosis ay nasa “downtrend” mula 175 kaso noong Hunyo 2-15, hanggang 154 na kaso noong Hunyo 16-29 at bumaba pa ito sa 111 kaso noong Hunyo 30- Hulyo13.
Sinabi ng DOH na maaaring tumaas pa rin ang mga bilang na ito dahil sa huli na mga ulat.
Ang mga sumusunod na rehiyon ay nagkaroon ng pagtaas ng kaso ng leptospirosis mula Hunyo 2-Hulyo 13: Zamboanga Peninsula, Caraga, Soccsksargen, Western Visayas, Mimaropa, Eastern Visayas, at Northern Mindanao.
May kabuuang 133 na pagkamatay dahil sa leptospirosis ang naitala rin noong Hulyo 13. EVELYN GARCIA