LAGUNA – TIMBOG sa ikinasang entrapment operation ng mga kagawad ng Pila Police at tumatayong Bureau of Internal Revenue (BIR) Intelligence Officer ang dalawang babae na responsable sa pamemeke at pagbebenta ng BIR TIN Card sa Bgy. Sta. Clara Sur, Martes ng hapon.
Batay sa ulat ni PCapt. Robin Martin, hepe ng pulisya kay Laguna PNP Provincial Director PCol. Serafin Petalio II, nakilala ang mga naarestong suspek na sina Divina Banog-Banog, 40-anyos, at Clarivel Lovingco, 29-anyos, pawang mga residente ng nasabing lugar.
Nakatakas naman ang umano’y sinasabing target ng pulisya sa operasyon na si Diane Alvarez Banog-Banog, 20-anyos, anak ng nadakip na si Divina.
Sa imbestigasyon, bandang alas- 12:45 ng hapon nang magsagawa ng entrapment operation sa lugar ang pulisya na tumayong poseur buyer ang itinalagang BIR Intelligence Officer gamit ang halagang P2,000.
Inilatag ang nasabing operasyon matapos ang ilang magkakasunod na reklamo na natanggap ng pamunuan ng BIR sa lungsod ng San Pablo kaugnay ng iligal na transaksiyon ng mga suspek.
Ayon kay Martin, ginagamit ni Alvarez ang facebook sa kanilang iligal na transaksiyon kung saan hinihinalang marami na ang nabiktima ng mga ito.
Naunang naaresto ng pulisya ang si Divina kasunod si Lovingco kung saan nakumpiska ang 15 piraso ng pekeng BIR TIN Card na may nakalagay ng mga pangalan ng kanilang mga bibiktimahin.
Ipinagtapat din ng mga suspek sa pulisya na nagmumula pa sa Bulacan ang ibinebenta nilang pekeng TIN Card na patuloy na sumasailalim sa masusing imbestigasyon.
Paglabag sa National Internal Revenue Code of 1997, Sec. 257 (B8) and Sec. 3 of ART 172 RPC ang kinakaharap na kaso ng mga suspek na nakapiit sa Pila PNP Lock Up Cell. DICK GARAY
Comments are closed.