MAYNILA – SA MALAMIG na rehas ang bagsak ng isang pekeng pari matapos ireklamo ng pangingikil ng mga do-nasyon habang nagbebendisyon ng mga imahe ng mga Santo sa isang bahay sa Tondo.
Bukod sa pagiging pekeng pari ay nakilala bilang isang miyembro ng Sputnik gang na dating nakulong sa kasong carnapping ang suspek na si Marlon Ponterez, 38, residente ng barangay Bangyas, Lauan, Laguna na nakasuot pa ng puting abito, may dalang plastic bottle na naglalaman ng umano’y holy water at bibliya nang arestuhin sa bahay sa Happyland, sakop ng Barangay 105 sa Tondo, Maynila.
Nadiskubre naman sa bibliyang nakumpiska sa suspek na may nakaipit na pera na may denominasyon na P100, P20 na umabot sa halagang P600.
Base sa inisyal na ulat ng Manila Police District (MPD) Station 1, nagbabahay-bahay umano ang suspek habang nakasuot ng abito at nag-aalok na magbebendisyon sa mga imahe ng mga santo kasama ang dalawang babaeng kaanak.
Nagtaka naman ang ilang residente ng mapansin na iniipit ng suspek ang perang nakokolekta sa bibliya na hindi karaniwang gawain ng isang lehitimong pari.
Aminado naman ang suspek na ginagawa niya ang pagbabasbas sa mga santo sa mga karatig lugar ng Laguna at ang tubig na gamit sa bendisyon ay kinuha sa Mt. Banahaw.
Bukod sa hindi dumaan sa anumang proseso sa pagpapari ay nakitaan din ng mga tattoo na Sputnik gang sa katawan at disen-yong marijuana.
Nang beripikahin, lumitaw na dating nakasuhan at nakulong ang suspek sa kasong carnapping.
Kakasuhan ng paglabag sa kasong Estafa, Grave Coercion at Usurption of Authority ang suspek sa Manila Prosecutors Office. PAUL ROLDAN
Comments are closed.