ARESTADO ang isang miyembro ng “akyat bahay” matapos bentahan ng baril ang isang pulis sa isinagawang buy bust operation sa Caloocan City, kamakalawa ng hapon.
Nakilala ang suspek na si Kevin Naga alyas “Kevin Fernan”, 26-anyos ng P. Zamora St., Brgy. 19 na nahaharap sa kasong paglabag sa Sec. 32 of RA 10591.
Sa report mula sa tanggapan ni Northern Police District (NPD) Director Brig. Gen. Jose Hidalgo Jr., nakatanggap ang mga operatiba ng District Special Operation Unit (DSOU) ng impormasyon mula sa isang confidential informant na sangkot umano ang suspek sa pagbebenta ng baril.
Isagawa ng mga operatiba ng DSOU sa pangangasiwa ni Lt Col. Jay Dimaandal ang buy bust operation sa P. Zamora Street kung saan isang undercover police ang nagawang makipagtransaksyon sa suspek ng P2,000 halaga ng baril.
Nang tanggapin ng suspek ang marked money mula sa police poseur-buyer ay agad siyang sinunggaban ng mga operatiba at narekober sa kanya ang isang cal. 38 revolver na kargado ng dalawang bala at buy bust money. VICK TANES