WALANG hindi nakakakilala kay Pacong Barbero sa lugar ng Gangley, San Roque. Kapag sinabing Pacong Barbero, agad kang ituturo sa barber shop nito kung saan nagbabagong bihis ang buhok ng mga taong nagpapagupit.
Si Ricky Enriquez De Jesus, a.k.a “Paco”, 56-anyos na tubong Gangley, San Roque Cavite City.
May asawa si Paco at apat na anak.
Isang barbero rin ang kanyang amang si Francisco na alyas “Paco” rin na yumao na.
Ang orihinal na Pacong Barbero ay ang ama ni Ricky na noong kapanahunan nito ay sobrang sikat at walang hindi nakakakila rito.
Dahil dito, naging idolo ni Ricky ang kanyang ama kaya naman ang lahat ng istilo nito sa paggugupit ay kanyang ginagaya.
Labing anim na taon pa lamang si Paco ng mag-umpisang maging barbero.
Hinasa siya sa isang gunting at isang suklay.
Nagpakadalubhasa sa paggugupit.
Apat na dekada na ngayon sa kanyang hanapbuhay bilang barbero ay talaga naman nakapagbabagong anyo ang mga ginugupitan nito.
Ang dating namamasukan lamang noon ay may-ari na ngayon ng isang barber shop.
Taong 2021 nang magkaroon si Paco ng sariling barber shop.
Hindi naman pare-pareho ang kanyang kita pero pinakamababa na ang P800 bawat araw at kung minsan ay umaabot din ng P2000 bawat araw subalit depende ito sa panahon at okasyon.
Kung si Paco ang barber mo, kahit anong gupit ang ipagawa mo, maging ito ay clean-cut, barbers, flat-top ay tiyak ang resulta ng kaguwapuhan mo.
Bukod dito, may suwabeng ahit, masaheng may konting tunog at ipit pa ang matitikman ng bawat kostumer.
At kuwentuhan na sa Pacong Barbero mo lang mahahagip. SID SAMANIEGO