(Nagbibigay ng libreng serbisyo sa mahihirap) TAX RELIEF SA DOCTORS

Senadora Grace Poe-5

DAPAT pagkalooban ng tax incentive ang mga doktor na nagbibigay ng libreng serbisyo, may pandemic man o wala, giit ni Senadora Grace Poe.

Sa Senate Bill No. 1715 o ang Physician Pro Bono Care Act na kanyang inihain, isinusulong ni Poe ang pagkakaloob ng tax credit sa lahat ng doktor na nagbibigay ng libreng serbisyo sa mga mahihirap na pasyente, na ibabawas sa kanilang gross income.

“A number of doctors have taken it upon themselves to volunteer and render free health services to our people who cannot afford to seek medical attention. The tax incentive is a way of giving back for their selflessness, commitment and expertise,” diin ni Poe.

Sa ilalim ng panukala, ang  Department of Health (DOH) at Philippine Medical Association (PMA) ay aatasang mag-evaluate sa  pro bono services ng mga doktor alinsunod sa oras at klase ng paggagamot na ginagawa sa mahihirap na pasyente.

Makikipag-ugnayan din ang Bureau of Internal Revenue (BIR) sa DOH at PMA para sa rules and regulations sa sandaling maipasa ang nasabing panukala.

Binigyang-diin ni Poe na ang kanyang panukala ay alinsunod sa isinasaad ng Saligang Batas na karapatan ng mga Filipino na maka-access sa libreng health services na inilaan ng pamahalaan para sa mahihirap.

Bagama’t ang pagbibigay ng tax incentive sa mga doktor ay posibleng magresulta sa mas mababang kita sa gobyerno, ipinaliwanag ni Poe na mas maraming doktor ang tiyak na magkakaloob ng libreng serbisyo kung saan ay makatitipid ang pamahalaan sa health insurance program.

“If doctors could write off their pro bono work on their taxes, we would see more charity care. This is a win-win situation for patients and doctors,” ani Poe.

“Truthful to their oath, doctors reduce or even forgo their fees based on patients’ circumstances. But we recognize that they also have a need to sustain their profession and that’s where tax incentives could be most helpful,” dagdag pa ng senadora.

Nabatid na noong 2019, ang doctor-to-patient ratio sa Filipinas ay 1:33,000 kumpara sa 1:6,600 global average, kung saan ang mas ma­tindi pa, 6 sa 10 Filipino ay namamatay nang hindi nakapagpapagamot o na-diagnose ng doktor.

Kaya malaking hamon, aniya, ang COVID-19 pandemic para sa healthcare system ng bansa dahil nakita nito ang kahalagahan ng pagkakaroon ng sapat na doktor para sa panga­ngalaga ng mga maysakit.      VICKY CERVALES

Comments are closed.