KASISIMULA pa lamang ngayong linggo ng implementasyon ng Metro Manila Development Authority (MMDA) sa pagpapataw ng bagong multa sa mga pasaway na motorista na dumadaan sa espesyal na bus lane sa EDSA at nabalot na agad ito ng kontrobersiya.
Laman ng mga peryodiko at social media ngayon ang ginawang pagpayag diumano ni MMDA Task Force Special Operations Unit Head Col. Bong Nebrija na palagpasin ang convoy ng isang mambabatas at hindi ito tiketan para pagmultahin.
Si Nebrija ay kilala sa pagiging mahigpit na MMDA traffic enforcer, pero minsan dahil sa pagiging passionate niya sa trabaho, nakakalimutan niya na may mga polisiya ang MMDA at bansa na dapat sundin.
Ang siste kasi ay naniniwala agad siya sa niradyo sa kanya ng isang traffic enforcer na ang nasabing convoy na pinara nila sa bandang bahagi ng EDSA Mandaluyong ay lulan daw si Senador Bong Revilla. Iniutos daw niyang huwag tiketan dahil nandoon ang senador.
Ang mali ni Nebrija, sa panahon ngayon na lahat ng balita ay nasa social media at naglipana ang fake news kaya nakarating agad sa senador na diumano ay hinuli raw siya sa EDSA busway.
Mariing pinabulaanan ng senador na nahuli siya sa EDSA carousel busway dahil hindi raw siya dumaraan sa EDSA tuwing umaga papunta sa kanyang opisina, at mas ginagamit daw niya ang Skyway.
Saludo ako kay MMDA Chairman Romando Artes sa agarang pagpapataw ng 30-day preventive suspension. Maliwanag kasi na nilabag ni Nebrija ang polisiya ng MMDA na isapubliko ang pangalan ng taong mahuhuli nilang dumadaan sa EDSA busway na wala sa listahan na may pahintulot para pumasok sa espesyal na lane.
“Unang-una niya pong pagkakamali, may data privacy tayo. Hindi po naman dapat ina-announce ang pangalan noong mga nahuli lalong-lalo na [sa] media,” ani Artes sa ipinatawag niyang media conference.
Sinabi ni Artes na ang pangalawang pagkakamali ni Nebrija ay ang pag-announce niya ng dalawang fake news ng pagkakaaresto kina Senador Revilla at dating Ako Bicol Rep. Christopher Co dahil sa iligal na pagdaan sa Edsa carousel busway.
Ang pangatlong pagkakamali ni Nebrija, ayon kay Artes, ay ‘yung desisyon niyang palampasin ang nasabing convoy ng hindi ito tinekitan. Hindi rin tama ang rason na ibinigay ni Nebrija na mayroong polisiya diumano ang MMDA na kapag nakasakay ang congressman o senador ay puwedeng bigyan ng courtesy.
Ayon kay Artes, hindi totoo na nagbibigay ng kortesiya ang ahensiya kung mambabatas ang lulan ng sasakyan dahil ang pamunuan ng MMDA ay naninindigan na kung ano lang ang exemption na ibinigay ng DOTr (Department of Transportation) na puwedeng dumaan diyan sa bus carousel, ‘yun lamang ang puwedeng dumaan sa busway.
Sa ngayon, ang maaari lang dumaan sa EDSA busway ay ang pangulo, pangalawang pangulo, presidente ng Senado, House Speaker, at Punong Hustisya ng Korte Suprema.
Hindi madaling mapanatiling maayos ang lagay ng trapiko sa ating mga lansangan at mula nang umupo si Artes bilang pinuno ng MMDA, marami nang nagbago sa ating mga pangunahing daan, kagaya na nga ng paglalagay ng EDSA carousel busway.
Nararapat lang na linisin ng MMDA ang hanay ng kanilang mga enforcer, kasama na ang mga lider nila kagaya ni Nebrija, lalo na kung hindi na sang-ayon sa adhikain ng ahensiya ang kanilang ginagawang trabaho.
Naglabasan na nga ang ilang paratang kay Artes na may pressure politikal ang ginawa niyang pagsuspinde kay Nebrija. Hindi ako sang-ayon diyan dahil subok na matinong public servant si chairman Artes na ang layunin lamang ay tulungan ang mga pinoy na makapaglakbay sa ating mga lansangan ng maayos at ligtas.
Hindi niya piniling mamuno sa MMDA. Ilang beses siyang kinumbinsi ng dating MMDA chairman at yumaong Danilo Lim bago siya pumayag na tanggapin ang puwesto. Ginagawa niya ang lahat ng tamang desisyon para hindi naman masayang ang tiwalang iginawad sa kanya ng yumaong MMDA chairman.
Sana naman ay magsilbing leksyon ito kay Nebrija. Saludo ako sa kanyang dedikasyon sa kanyang trabaho. Sa katunayan ay isa na siyang kilalang personalidad sa social media sa kanyang mga ginagawang paghuli ng mga pasaway na motorista sa kabuuan ng Metro Manila. Bidang-bida siya, Sana naman ay ang pagkakamali niya noong Miyerkules ay hindi dulot ng pabida, kundi bugso ng emosyon na ayusin ang implementasyon ng bagong batas ng MMDA laban sa mga pasaway na motorista na gumagamit ng EDSA Bus lane.