SINUNDAN ni Stephen Curry ang career-best 62-points ng 30 pa sa loob lamang ng 31 minuto upang pangunahan ang Golden State Warriors sa ikalawang sunod na run-away win, 137-106, laban sa Sacramento Kings sa San Francisco.
Pitong Warriors, kabilang ang tatlong reserves, ang umiskor ng double figures. Napantayan ng Golden State ang franchise record para sa points sa home team sa 2-year-old Chase Center — na naitala sa naunang gabi — habang pinutol ang three-game losing streak laban sa Kings.
Tumipa si Harrison Barnes, miyembro ng Golden State’s 2015 championship team, ng 18 points para sa Sacramento.
Sumasakay sa momentum ng 137-122 home win kontra Portland noong Linggo, walang sinayang na oras ang Warriors sa pagdispatsa sa Kings pagkalipas ng 24 oras, kung saan umiskor ito ng unang walong puntos ng laro sa 3-pointers nina Draymond Green at Kelly Oubre Jr. at 2-pointer ni James Wiseman.
Hindi na sila lumingon pa.
Nakalikom si Curry, kumana ng 30-plus points sa bawat half ng kanyang performance noong Linggo, ng kabuuang 23 sa unang 24 minuto sa pagkakataong ito upang tulungan ang Golden State na itarak ang 68-48 bentahe.
PACERS 118,
PELICANS 116
Nagbuhos si Victor Oladipo ng 25 points at naipasok ni Malcolm Brogdon ang winning basket, may 3.6 segundo ang nalalabi sa overtime, nang gapiin ng bisitang Indiana Pacers ang New Orleans Pelicans.
Isang layup ni Lonzo Ball matapos ang steal ni Steven Adams ang nagtabla sa laro, may 25 segundo ang nalalabi, subalit nalibre si Brogdon at naipasok ang isang 12-foot floater para sa winning points upang tumapos na may 21 points at 11 assists.
Nagdagdag si Domantas Sabonis ng 19 points at 11 rebounds, umiskor si Myles Turner ng 17 at gumawa si Doug McDermott ng 11.
Nakalikom si Brandon Ingram ng 31 points, habang nag-ambag sina Zion Williamson ng 24 points at 10 rebounds, Ball ng 18 points, Eric Bledsoe ng 12 points at 11 rebounds, at Adams ng 10 para sa Pelicans.
MAVERICKS 113,
ROCKETS 100
Kumana si Luka Doncic ng 30-point triple-double, ang kanyang una sa season, habang paulit-ulit na nagsalpak si Tim Hardaway Jr. ng timely perimeter shots nang maitakas ng bisitang a
Dallas Mavericks ang 113-100 panalo laban sa Houston Rockets.
Tumapos si Doncic na may 33 points, 16 rebounds at 11 assists upang pangunahan ang Mavericks.
Gayunman, si Hardaway ang naging pamatay ng Houston sa pag-iskor ng 30 points mula sa bench sa 8-of-10 3-point shooting.
BUCKS 125,
PISTONS 115
Kumamada si Giannis Antetokounmpo ng 43 points, kabilang ang career-high 30-point first half, nang pataubin ng Milwaukee Bucks ang bisitang Detroit Pistons.
Nagdagdag siya ng 9 rebounds at 4 assists, habang nagposte sina Khris Middleton ng 19 points, 9 rebounds at 4 assists, Jrue Holiday ng 15 points, 7 assists, 6 rebounds at 3 steals, at D.J. Augustin ng 11 points at 6 assists.
Muling maghaharap ang dalawang koponan sa Milwaukee sa Miyerkoles.
Sa iba pang laro ay dinispatsa ng Boston Celtics ang Toronto Raptors, 126-114; pinataob ng New York Knicks ang Atlanta Hawks, 113-108; pinatahimik ng Miami Heat ang Oklahoma City Thunder; namayani ang Philadelphia 76ers sa Charlotte Hornets, 118-101; at tinambakan ng Orlando Magic ang Cleveland Cavaliers, 103-83.
Comments are closed.