CATANDUANES-ISANG tauhan ng PNP-Police Regional Office 5 ang napatay ng mga kasapi ng New Peoples Army ( NPA) matapos na magsagawa ng law enforcement operation sa bayan ng San Miguel sa lalawigang ito nitong Martes.
Agad na ipinag-utos ni PNP-PRO5 Regional Director BGen. Jonnel Estomo sa kanyang mga tauhan na huwag lubayan ang mga armadong kalalakihan na nanambang sa apat na pulis mula sa San Miguel MPS, kasama ang tatlong pulis mula sa provincial intelligence unit ng PNP na nagsagawa ng operasyon para mag-serve ng warrant of arrest sa Barangay J.M. Alberto Sitio Tucao dakong alas-10 ng umaga.
Sinakay umano sa motorsiklo ang katawan ng nasawing pulis at inikot sa barangay matapos ang engkwentro.
Ayon kay PNP-PRO5 Spokesperson Major Malou Calubaquib, walang katotohanan na may nadukot na tatlong pulis sa isinagawang opensibang gerilya ng CPP-NPA dahil agad na nasaklolohan ang limang pulis na kasama ng napaslang.
Ang buong pamunuan ng Police Regional Office 5 kasama ang buong Bicolandia ay mariing kinukondena sa pinakamataas na lebel ang kawalanghiyaan at pananamantala ng miyembro ng rebeldeng grupo sa probinsiya ng Catanduanes.
Nauwi sa isang karumaldumal na pangyayari ang inilunsad na manhunt operation nang pinagsamang operatiba ng San Miguel MPS at 1st PMFC ng Catanduanes Police Provincial Office.
Dakong ala-6 ng umaga kamakalawa , ikinasa ng pulisya ang pagsisilbi ng “warrant of arrest” laban sa Ranked Number 1 Provincial Most Wanted Person para sa 25 iba’t ibang kaso nito kabilang ang rape at isa pang wanted sa paglabag sa PD705 sa Sitio,Tucao Brgy. JMA San Miguel Catanduanes.
Subalit, walang inabutang “subject” ang mga operatiba sa naturang lugar na bago pa man makalabas sa pinangyarihan ay tinambangan ang mga ito nang humigit kumulang sa 15 armadong miyembro ng NPA.
Pinaulanan ng putok ng rebeldeng grupo ang mga operatiba habang binabaybay ang kalsada pabalik ng istasyon sakay ng kanilang motorsiklo.
Sa hindi inaasahan, tinamaan si SMS John Teston na nagresulta sa kanyang pagkamatay habang ang limang kasamahan nito ay agad na nakapagtago.
Mabilis naman rumesponde ang iba pang tauhan ng Catanduanes PPO katuwang ang 83IBn, 9ID, PA at ligtas na natagpuan ang limang pulis na kasama sa engkwentro sa bahay ng kapitan ng naturang barangay.
Natangay ng mga rebelde ang cellphone, wallet, kopya ng warrant of arrest at baril ni Teston.
Samantala, narekober naman sa lugar ng pinangyarihan ang isang basyo para sa kalibre 7.62;12 basyo para sa kalibre 5.56 at dalawa pang bala para dito.
Patuloy ang pagsasagawa ng imbestigasyon at follow-up operations ng mga kapulisan para alamin ang pagkakakilanlan ng mga suspek at tugisin ang mga ito. Inaalam din kung ano ang kaugnayan ng mga akusado sa rebeldeng grupo. VERLIN RUIZ