NAGHASIK ANG DEMONYONG SUMAGASA SA SEKYU

NAKITA ba ninyo yung naging viral na video na nangyari noong Linggo sa bandang Megamall sa Mandaluyong? Aba’y may isang motorista na binangga ang kawawang security guard na inaayos ang daloy ng trapik. Bumagsak sa kalye ang kawawang guwardya. Hindi pa nakuntento ang motorista na nakabangga sa kanya at sinagasaan pa niya. Ang matinding kademonyohan pa ng nasabing drayber ay tinakbuhan niya ang nagawa niyang krimen!

Nasapian yata ng demonyo ang nasabing motorista. Mabuti na lang at may nakakuha ng video sa buong insidente. Kumalat sa social media ang nasabing video at naplakahan ang nasabing sasakyan. Ito ay isang 2017 Toyota RAV-4 na kulay puti at may plate number NCO 3781.

Ayon sa Land Transportation Office (LTO) naglabas sila kahapon ng show-cause order laban sa may ari ng nasabing sasakyan upang magpaliwanag kung bakit tinakbuhan niya ang nasagasaan niyang tao na nagtamo ng matinding pinsala sa ulo at katawan.

Dahil din dito, agad na sinuspinde ng tatlong buwan ang lisensya ng may ari ng nakarehistrong sasakyan. “The assigned driver is further directed to submit a written COMMENT/EXPLANATION thereon to show cause why he should not be administratively charged for Reckless Driving (Sec. 48 of R.A. 4136), Duty of driver in case of accident (Sec. 55 of R.A. 4136) and why his driver’s license should not be suspended or revoked,” ang nakasulat sa show-cause order.

“Failure to appear and submit the written comment/explanation as required shall be construed by this Office as a waiver of your right to be heard, and the case shall be decided based on the evidence at hand,” ang dagdag pa sa kautusan.

Ang may ari, ayon sa rehistro ng sasakyan, ay isang nagngangalan na Jose Antonio V. San Vicente na nakatira sa isang pribadong subdibisyon sa Quezon City. Hindi raw pinapasok ng mga security guard ng nasabing subdibisyon ang mga alagad ng batas upang maimbitahan sa kanilang presinto.

Ayon kasi sa batas, kinakailangan ng magpakita ng warrant o court order ang mga pulis upang makapasok sa nasabing pribadong subdibisyon. Sabagay, tama naman ito dahil kasama sa ating karapatan pantao o human rights na hindi dapat maaresto o dakpin ng pulis kapag walang court order

Ang masakit lamang ay ang nasabing karapatan ay ginagamit lamang ng mga may kaya sa buhay na nakatira sa mga lugar na may security guard sa kanilang pasukan o gate. Eh papaano yung mga residente na walang security guards? Kaya kadalasan, ang madaling madampot ng pulis ay ang mga taong suspetsa lamang na nakagawa ng krimen maski na walang court order o warrant of arrest.

Masuwerte itong si Gng. San Vicente at hindi siya basta basta kinuha ng mga pulis sa kanyang tahanan at naharang ng mga security guards ng kanilang subdibisyon.

Pero hanggang ngayon ay hindi ko pa rin maisip at mawari kung ano ang pumasok sa kanyang kukote upang sadyang sagasaan ang pobreng security guard.

Sa palagay ko, kausap na niya ang mga abogado at naghahanap ng magandang paliwanag upang makalusot sa kagaguhan na nagawa niya. Pero para sa akin, nasapian ng demonyo yun!