PAGPATAY SA DATING OPISYAL NG URBAN POOR KINONDENA

Rolando Gonzalo

SAMA-SAMANG kinondena ng mga mamamahayag ang ginawang paglikida sa isang dating kapatid sa pamamahayag at ex Presidential Commission for the Urban Poor official, kamaka­lawa ng hapon sa Quezon City.

Pinangunahan ng National Press Club at Presidential Task Force on Media Security, ang mariing pagkondena sa ginawang pagpaslang kay  Abdulrashid D. Ladayo, Sr., 53-anyos, may asawa, tubong Lanao at naninirahan sa #30 Engineering St., cor. Manager, Sangandaan, Quezon City.

Si Ladayo ay mi­yembro at iskolar ng NPC  at naging opisyal ng Presidential Commission for the Urban Poor, ay pinagbabaril ng siyam na ulit gamit ang kalibre 45 pistola.

Ayon kay Rolando Gonzalo, pangulo ng NPC, dapat na habulin at panagutin ang responsab­le sa pagpatay.

Sa report na ibinigay mismo ni Police Major General Guillermo Eleazar, director ng National Capital Region Police Office sa PILIPINO Mirror, nangyari ang insidente dakong alas-3:25 Sabado ng hapon sa bisinidad ng Trinoma Mall.

Kabababa  lang ng kanilang kulay berdeng Mitsubishi Pajero na may plate number na ZDV-159  ang misis ng biktima nang tapatan ng hindi pa kilalang gunman na nakasuot ng mask at helmet sakay ng motorsiklo at pinagbabaril si Ladayo habang pababa ng sasakyan.

Nagawa pang madala sa Metro North Hospital ang biktima subalit idineklara itong dead on arrival  ni attending physician Dr. Ed Michael Putiz.

Agad namang inatasan ni Gen. Eleazar ang pamunuan ng QCPD na tugusin at panagutin ang mga salarin kasama na ang utak sa krimen.

Hiniling naman ng  NPC sa Presidential Task Force on Media Security, na pinamumunuan ni Usec. Joel Sy Egco na magsagawa ng agarang imbestigasyon at makipagtulungan sa kapulisan para sa ikadarakip ng mga responsable sa krimen.

Kabilang si Ladayo sa mga iskolar ng NPC na nagtapos ng Master in Communication sa Polytechnic University of the Philippines at naging mamamahayag ng REMATE Express, Bandera at Manila Times. VERLIN RUIZ

Comments are closed.