HINDI ko alam kung masasabi natin kung saan patutungo ang sinusundan natin na drama sa pinakamatagal at pinakasikat na noontime show sa Pilipinas na Eat Bulaga.
Ilang buwan na rin na napag-uusapan ang gusot sa pagitan ng production staff at mga host ng Eat Bulaga at ng TAPE, Inc. na siyang nagpapatakbo sa nasabing programa.
45 years na po ang Eat Bulaga sa susunod na taon . Natatandaan ko pa nung ako ay nasa hayskul, pumutok at sumikat ang samahang Tito,Vic and Joey. Marami rin ang mga artistang sumama at sumakay sa kasikatan ng tatlong komedyante sa mahigit na apat na dekada. Nandiyan sina Richie ‘D Horsie, Jimmy Santos, Yoyong Martires, Aiza Seguerra, Ruby Rodriguez, Christine Jacobs, Coney Reyes, Spanky Rigor, Val Sotto at marami pang iba na nakilala at sumikat din noong mga panahon na iyon.
Hanggang sa kasalukuyan, ang bagong henerasyon na kasapi sa Eat Bulaga ay sumikat na rin tulad nina Wally Bayola, Jose Manalo, Paolo Ballesteros, Allan K, Maine Mendoza at dating ka love team niya na si Alden Richard na sumikat sa tambalang Al-Dub.
Nawala man ang kasikatan at ningning ng mga ibang artistang kabahagi ng Eat Bulaga, ang Tito, Vic and Joey ay nanatiling matibay sa industriya ng showbusiness sa ating bansa.
Sa katunayan, naging Vice Mayor ng Quezon City si Tito Sotto at tumuloy bilang isang matagumpay na senador.
Naging Senate President pa si Tito na mas kilala sa Senado bilang ‘Tito Sen’. Sina Vic Sotto at Joey De Leon naman ay ipinagpatuloy ang pag-aartista. Kumita sa takilya ang kanilang mga pelikula. Pati larangan ng musika ay pinasukan nila. Kabahagi ang TVJ sa pagsikat noong 70s at 80s ng bandang VST & Co. Sa madaling salita, sina Tito, Vic and Joey ay maituturing natin na isa sa pinakamatagumpay na samahan sa Philippine showbiz.
Subalit ang hinaharap na hamon nila ngayon ay ang kanilang pagpapaalam sa Eat Bulaga na siyang dahilan din sa pagsikat nila sa loob ng mahigit na apat na dekada. Ang laban kasi ay kinabibilangan sa pagitan ng production staff ng TAPE, Inc. at ang mga may-ari nito, ang pamilyang Jalosjos.
Tila pera at prinsipyo ang ipinaglalaban dito. Sa gawi ng TAPE, Inc. ay nalulugi na raw ang Eat Bulaga kaya naman kailangang magbawas ng mga tao subalit napag-alaman nina TVJ na may mga lumaki ang suweldo sa mga namamahala ng TAPE. May usapang hindi raw nababayaran sina Vic Sotto at Joey De Leon sa kanilang talent fee na umabot na daw sa milyong piso. Tila naramdaman ng TVJ ang pagkawala ng respeto ng mga namamahala ng TAPE, Inc. sa mga nagawa nila sa loob ng mahigit na apat na dekada.
Nagbatuhan ng kani-kanilang bersyon ang TAPE, Inc. at TVJ sa masalimuot na isyung ito. Kinalaunan, noong ika-31 ng Mayo ay pinigilan ng TAPE, Inc ang EAT Bulaga na magsahimpapawid ng LIVE sa telebisyon. May alinlangan sila na may pasasabugin na anunsiyo ang TVJ na pinabulaanan nila. Subalit dahil sa ginawa nila na pagbabawal na mag-air nang LIVE, ayon kay Tito Sen, ginamit nila ang FB Live sa pag-anunsiyo sa pag-alis nila sa TAPE, Inc. Ang ibig sabihin nito ay hindi na sila makikita sa mga susunod na programa ng Eat Bulaga. Kaya hanggang ngayon ay puros replay ang mga ipinalalabas sa GMA 7.
Maraming katanungan ang lumabas. Gagamitin pa ba ng TVJ ang pangalang Eat Bulaga. Sino ang legal na may-ari ng nasabing pangalan? Saan sila lilipat? Sasama ba ang mga ‘Dabarkads’ ng Eat Bulaga kina TVJ? Ano ang ipapalit ng TAPE, Inc sa inalisan ng TVJ? May kontrata ang TAPE, Inc. sa GMA 7 hanggang 2024. Ano ang reaksiyon ng mga boss ng GMA7 dito? Ano ang epekto nito sa kanila?
Haaay. Marahil ay tularan na lang natin ang orihinal na larong Eat Bulaga. Ipikit na lang muna natin ang ating mga mata at buksan natin muli kung may bagong kaganapan kung mabubulaga tayo o hindi.