Bahagyang bumaba ang mga kaso ng influenza-like illnesses (ILI) sa buwan ng Nobyembre sa kabila ng paglamig ng panahon.
Sa pinakabagong datos ng Department of Health (DOH), lumalabas na ang ILI cases sa buong bansa ay bumaba mula sa 7,971 noong Oktubre 20 hanggang Nobyembre 2 sa 7,571 cases noong Nobyembre 3 hanggang 16.
Naobserbahan din ang pagbaba ng dinadapuan ng sakit mula Nobyembre 17 hanggang 30 na may 3,710 cases subalit sinabi ng DOH na maaaring magbago pa ito dahil sa naantalang pag-uulat at pagpapakonsulta.
Sa kabuuan, bumaba rin ang ILI cases mula Enero hanggang Nobyembre 30 na nasa 165,992 cases, mas mababa ito ng 17% kumpara sa mahigit 200,000 cases na naitala sa parehong panahon noong 2023.
Hinimok naman ni Health Secretary Ted Herbosa ang publiko na magsuot ng face mask at magpabakuna ng anti-flu para maproteksyunan ang sarili laban sa ILIs.