NAGLIPANANG FAKE DOCS BANTA SA NATIONAL SECURITY- NSC

ITINUTURING na isang national security threat ang ulat hinggil sa mga naglipanang pekeng dokumento na itinuturong nag-uugat sa korapsyon sa mga local government unit.

Ito ang pag amin ni Jonathan Malaya ng National Security Council sa gitna ng mga nadidiskubreng government IDs sa kamay ng mga banyaga.

Nabatid na isinusulong ngayon sa Senado na imbestigahan ang pagkakaroon ng government issued IDs tulad ng passport, lisensya, national ID ng mga foreigner kung saan karamihan dito ay mga Chinese.

Ayon kay Malaya, “kami po sa national security council ay nababahala dyan sa pangyayaring yan kung saan may mga foreign nationals na nakakakuha ng birth certificate so we consider this a national security threat.”

Paliwanag ng opisyal, oras na nakakuha na sila ng birth certificate ay makakakuha sila ng passport, makakakuha na sila ng national ID at magmumukha na sila na parang mga regular na Pilipino.

“Mukha pong sa level ng local government unit nagkakaroon ng bayaran ano, there are allegedly based on intelligence reports some local civil registrars na nakatalaga sa mga LGU kung saan nababayaran sila,” ani Malaya base sa pagsisiyasat ng NSC.

“Itong mga corrupt public officials na ito ay sila ay nagiisyu ng mga pekeng birth certificate na siyang pinapada sa Philippine Statistics Authority at pag naka record na po yan sa PSA ay pwede nang humingi ng PSA certificate, copy of a birth certificate which can then lead to a passport which can then lead to many other documents like national id,” paliwanag ni Malaya.

Sa profiling ng NSC, lumilitaw sa kanilang inisyal na imbestigasyon, karamihan sa kanila ay mga Chinese na hindi ipinanganak sa Pilipinas at walang anumang parental o pagkakakilanlan na Pilipino sila para magkaroong ng Philippine document.

Tiniyak naman ng NSC na hindi sila titigil sa tulong ng National Bureau of Investigation hangga’t hindi natitigil ang modus operandi kasabwat ang mga tiwaling kawani ng LGUs. VERLIN RUIZ