Special Report
ni REA SARMIENTO
MAITUTURING na hamon sa mga nagbabantay sa karagatan gaya ng Philippine Coast Guard, Philippine Navy at Philippine Maritime Police ang hindi mapigilang paglutang ng cocaine.
Sa mga nakalipas na panahon, mabibilang sa kamay ang pagkakadiskubre ng kontrabando ng mangingisda sa karagatan subalit dahil sa sunod-sunod na pagkadiskubre ng mga droga sa eastern seaboards, maraming nag-iisip na marahil ay normal na lamang ito sa mga nakatira sa tabing-dagat.
Posible ring ang maigting na information drive ng pulisya ang dahilan kung bakit ito naiiulat habang nangamba na rin ang mga tao sa kanilang sasapitin sakaling itago ang kontrabando.
Ito ang nakikitang dahilan ni Chief Supt. Gilberto Cruz, regional director ng Police Regional Office 13 kung bakit agad ipinaalam ng mga mangingisda sa Tandag City, Surigao del Sur ang pagkatagpo sa cocaine kamakailan.
NATIONAL THREAT NA
Ikinokonsidera ng Philippine National Police (PNP) na banta sa seguridad ng bansa ang kabi-kabilang paglutang at pagka-karekober ng bloke-blokeng cocaine sa Philippine waters.
Ayon kay PNP Spokesperson, Sr. Supt. Bernard Banac, mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nagpahayag na maituturing na national security threat ang pagkakarekober ng cocaine sa mga dalampasigan.
PANANAKOP NA BA?
Aniya, maikokonsidera itong pagsakop sa bansa ng mga sindikato ng droga dahil sa malaya silang nakapapasok ng ilegal na droga sa karagatang sakop ng Filipinas.
Ayon kay Banac, sa ngayon ay nagpapatuloy pa rin ang koordinasyon nila sa iba pang ahensiya ng pamahalaan upang magkaroon ng concrete plan para tukuyin ang pinagmumulan ng mga drogang natatagpuan sa mga dalampasigan
COCAINE NA NAREKOBER NASA 164 KILOS NA
Sa kasalukuyan, aabot na sa 164 kilos ng cocaine ang narekober sa mga dalampasigan sa eastern seaboard ng bansa simula pa noong Pebrero 10, 2019.
Aabot sa halagang P871 milyon ang mga narekober na cocaine.
Una nang dalawang beses na pagkatagpo ng cocaine sa Camarines Norte, tatlong beses sa Quezon, tig-isa sa Dinagat Island, Siargao, Surigao del Norte at ang pinakahuli ay sa Gabaldon, Nueva Ecija na nasa parteng norte, at Davao Oriental.
Comments are closed.