Gulaman! Gulaman na may avocado!
Para sa kanya at para rin sa’yo.
Para sa nagmamahal ng seryoso,
Ngunit laging nanloloko.
Gulaman na may avocado!
May bente, may sampu,
Pwedeng kaining nakatayo o nakaupo.
Avocado! Avocado ni Tanggol na Batang Quiapo!”
Araw-araw, bago magtanghali, dumaraan sa tapat ng bahay namin ang isang gulaman vendor na may iba’t ibang hugot lines, depende kung ano ang fruit flavor of the day ng kanyang gulaman. Makatawag-pansin talaga siya dahil sa kanyang mga hugot lines kaya naisipan namin siyang interbyuhin.
Aldrin Avila pala ang kanyang pangalan, 42 years old, may asawa at limang anak. Mayroon na rin daw siyang isang apo sa panganay niyang anak.
Ayon kay Aldrin, ilang beses siyang umibig at nabigo bago Niya natagpuan ang babaing nararapat sa kanya.
Matagal na umano siyang gulaman vendor. Dito umano manggagaling ang kanilang ikinabubuhay pati na ang iba pang gastusin ng pamilya. Hindi umano niya masasabing malaki ang kanyang kinikita, ngunit sapat naman ito para sa kanila.
Matagal na umano siyang mahilig sa hugot lines, at hindi Niya alam na ang kanyang ginagawa ay ang tinatawag na “spoken poetry”. Aksidente lamang umano ang pagkasambit niya ng mga got lines . Matagal na siyang nagtitinda ng gulaman ngunit kailan lamang nauso ang hugot lines na agad raw niyang kinagiliwan.
Isang araw ng Linggo, habang nag-iinuman kasama ang ilang kaibigan sa lokod-bahay, naisipan umano niyang bumanat ng hugot lines dahil hindi naubos ang tinda niyang gulaman. Natuwa umano ang lahat, at may nag-record pa ng kanyang mga sinabi sa cellphone.
Kinabukasan, ginamit umano niya ang recording sa pagtitinda, at himalang mas gumanda ang kanyang benta.
“Tindero po ako ng gulaman
Maliit lamang ang puhunan,
Kaya hangga ngayon, hindi pa yumayaman.”
Limang daang piso umano ang pang-araw-araw niyang puhunan sa kanyang negosyo, at nadodoble naman ito matapos magtinda, bukod pa sa meryendang gulaman para sa pamilya at kung magkaminsan, damay na rin umano ang mga kapitbahay.
Sa bawat tanong namin sa masayahing si Aldrin, sinasagot niya kami ng patula.
Me: Nakasasapat po ba sa pangangailangan ng inyong pamilya ang inyong kinikita sa pagtitinda ng gulaman?
Aldrin: “Aking kinikita’y sumasapat naman
Pag may nagkasakit kinakapos minsan
Ako’y nangungutang kung kinakailangan
At unti-unti ko ring babayaran”
Bawat tanong, bawat sagot, ay puno ng ngiti ang mukha ni Aldrin. Ngunit ang totoo raw, siya ay nagmahal, nasaktan, kaya nagtinda ng gulaman. RLVN