LIMANG tauhan ng Philippine National Police-Health Service ang sinibak sa puwesto makaraang masangkot sa pagmamaniobra ng resulta ng Neuro-Psychiatric Test ng mahigit 300 gun owners.
Pinawalang bisa na rin ang License to Own and Posses Firearms (LTOPF) ng mga sangkot na gun owner at sinampahan ng kasong administratibo.
Sa imbestigasyon, natukoy na minaniobra ng lima ang resulta ng neuro-test ng 377 indibidwal na nakakuha ng LTOPF na isinagawa mula Agosto, 2022 hanggang Pebrero, 2023.
Nabatid na aabot umano sa P30,000 hanggang P35,000 ang hinihingi nila sa bawat aplikante kumpara sa P2,000 fee sa pagproseso ng LTOPF.
Sinabi ni PNP-Civil Service Chief, BGen. Benjamin Silo Jr. na hindi sila nakapokus kung gaano kalaki ang halagang kinita ng mga tiwali kundi kung ano ang epekto sa publiko sa ginawang iregularidad ng mga ito.
“Well hindi na natin tingnan ‘yung kinikita ‘nung mga luko-luko na ito eh. Tingnan lang natin yung epekto sa publiko. Kung makahawak ng baril is psychotic imagine the danger can give to
the public, imagine if the one holding firearms is addict, you know how big the possible effect of this to the society,” ayon kay Silo.
Dahil dito, kinansela na rin ng CSG ang LTOPF ng 377 gun ownerS kung saan 313 sa kanila ang bagsak sa neuro exam habang 64 ang hindi nag-take ng exam ngunit nakakuha ng resulta.
Pinag-aaralan na rin ng CSG ang pagsasampa ng kaso laban sa nasabing gun owners.
Paalala naman ni Silo na ang paghawak ng baril ay ilamang pribilehiyo na maaaring matanggal ng indibidwal kapag sumunod sa patakaran at batas.EUNICE CELARIO