CAVITE – MATIGAYANG dumarayo sa General Trias City mula sa lalawigan ng Quezon ang 3 pamilya para gumawa at magbenta ng palaspas sa tuwing sasapit ang Semana Santa.
Sa panayam ng Pilipino Mirror sa tatlong pamilya na nagmula pa sa Brgy. Lalaguna sa bayan ng Lopez, Quezon, limang araw bago sumapit ang Semana Santa ay nakapuwesto na sila sa isang lugar sa Barangay 1896 sa General Trias City, Cavite para gumawa ng palaspas.
Umaabot sa 1, 500 palaspas ang nagagawa ng pamilya Barreno at Capisanda kung saan namuhunan sila ng P15K para ilako sa mga deboto sa St. Francis of Assisi Church sa tuwing sasapit ang Semana Santa.
Samantala, sa pamilya Dela Cruz naman ay nakagagawa ng 2, 500 palaspas sa puhunang P10K sa dalawang taon nakalipas na panahon na wala pang pandemya subalit sa kasalukuyang ay aabot na lang sa 1, 000 ang kanilang nagawa kung saan naibebenta sa halagang P50.00 kada palaspas.
Halos kahati ng presyo mula sa P25.00 kada palaspas sa 2 taong nakalipas sa bentahan nito na umabot na sa P50.00 dahil na rin sa kawalan ng punong niyog na mapagkukunan ng ubod ng dahon para sa isang palaspas na nagawa.
Ayon sa matandang Dela Cruz, sa 1,000 palaspas ay kinakailangang 1,000 puno ng niyog rin ang pinagmumulan ng ubod ng dahon nito kung saan mabawi lang ang puhunang P10K ay sapat na kahit walang tubo dahil ito ay kanilang panata sa tuwing sasapit ang Mahal na Araw.
Magkakatuwang ang 3 pamilya sa paglalako ng palaspas sa mga deboto na dumadalo ng misa sa St. Francis of Assisi Church sa Brgy. 1896, General Trias City, Cavite na may ilang metro ang layo sa kanilang puwesto at city hall ng nabanggit na lungsod.
Banaag sa mukha ng 3 pamilya ang kasiyahan at panatag ang kalooban sa paggawa ng palaspas na kahit walang kapalit na tubo ang kanilang puhunan ay nagpapatuloy pa rin silang dumayo sa nasabing lungsod muka sa malayong lalawigan ng Quezon. MHAR BASCO