QUEZON-ARESTADO ang isang ginang sa isinagawang entrapment operation ng Quezon HPG-PHT sa vicinity ng isang bangko bahagi ng Merchant St.corner Cabana St.Begy 4, Lucena City kahapon.
Kinilala ni HPG-PHT Prov.Officer Maj. Jonathan Victor Olbeña ang suspek na si Ma.Kathrina Erika P.Salvaleon alyas Kat, nasa hustong edad at residente ng Zone 2 Brgy.Nancamaliran, West Urdaneta City, Pangasinan.
Base sa report ng Quezon HPG, tinangay ng ginang ang isang pulang SUV/Hybrid na may plakang NNV-4160 nitong Hulyo 6 na pagmamay-ari ng isang Indian na nakilalang si Gulwant Singh na residente ng nabanggit na lugar at secretary nito ang suspek.
Sa report ng pulisya, ibinenta ni Salvaleon ang sasakyan kay Sergio Daleon Reyes na residente ng Brgy.Gulang-Gulang Lucena City sa halagang P900K kung saan nagbigay muna ito ng paunang bayad na P400K at ang balanseng P500K ay sa mga susunod na araw.
Nag-ugat ang pagkakahuli sa suspek nang magpunta ang buyer sa tanggapan ng Quezon HPG upang ipaberipika ang mga dokumento ng sasakyang kanyang nabili.
Dito na natuklasan na alarmado na pala ang SUV na nawawala sa Pangasinan at may blotter sa Urdaneta City Police na ito ay kinarnap at nagkataon naman na may tawag ang Pangasinan HPG-PHT sa Quezon HPG-PHT na may kinarnap na sasakyang SUV sa kanilang lugar.
Dito na nagplano ng isang entrapment operation ang mga pulis at upang mahuli ang suspek ay pinatawagan ng Quezon HPG kay Daleon ang ginang at pinasabi na kanya nang babayaran ang balanse at magkita sila sa isang bangko.
Dakong pasado alas-12 ng tanghali nang magkita ang bumili ng sasakyan at suspek dala ni Daleon ang pera na nakalagay sa isang sobre na may powder dust at nang mag-abutan ng buy bust money ang dalawa ay dito na inaresto ng HPG ang suspek at dinala sa kanilang opisina para maimbestigahan at ikulong.
Sa naging resulta naman ng examination ng Quezon Prov.Crime Lab ay nagpositibo si Salvaleon sa powder dust at narekober sa kanya ang buy bust money na ginamit ng HPG.
Sinampahan ng Quezon HPG ang ginang ng mga kasong paglabag sa PD 1612 Anti-Fencing Law of 1979 at ART 315 (Estafa) of RPC.
Samantala sa Urdaneta City Police Station naman kakaharapin ng suspek ang kasong Anti-Carnapping Law na isinampa sa kanya ng may ari ng sasakyan. BONG RIVERA