BULACAN- NASAKOTE ng mga awtoridad ang suspek na responsable sa serye ng pagnanakaw sa mga simbahang katoliko sa siyudad ng San Jose del Monte kamakalawa ng madaling araw.
Sa report ni OIC PNP Provincial Director Col. Relly Arnedo, nakilala ang nadakip na suspek na si Samuel Lorenzana, ng Brgy. Fatima 3 sa nabangit na lungsod.
Base sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad pinasok at ninakawan ni Lorenzana ang Cross Over Christian Ministry Church na matatagpuan sa Brgy. Sto. Cristo bandang alas-3:30 ng madaling-araw.
Kung saan positibo itong itinuro ng isang nagpakilalang “Pastor Tagulao” na siyang nanloob sa kanilang simbahan at tumangay ng kaniyang laptop, tablet at cellphone.
Si Lorenzana at ang iba pang kasamahan nito ay miyembro ng “Akyat Bahay” gang na sinasabing responsable rin sa panloloob at pagnanakaw sa The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints sa Brgy. Mulawin.
Nabatid na ang mga suspek ang may kagagawan ng serye ng nakawan sa mga kabahayan sa nasabing lugar.
Samantala, narekober sa suspek ang mga tinangay na kagamitan ng simbahan habang pinaghahanap naman ang dalawa pang kasamahan nito na nakatakas. THONY ARCENAL