PINAHIGPIT pa ng Amerika ang kanilang seguridad upang mapigilan ang pagpapadala ng bomba.
Una nang nagpahayag ang FBI na posibleng may iba pang naikalat na bomba sa ilang mga kilalang personalidad sa Amerika ang suspek na si Cesar Sayoc, apo ni dating Col. Baltazar Zook Sayoc, na isang martial arts expert na may sariling estilo ng pakikipaglaban at isa sa mga lumaban sa mga komunista sa Filipinas.
Sinabi ni FBI Director Christopher Wray, na bukod kina dating US President Barack Obama, Bill Clinton at sa CNN, kabuuang 13 package na ipinadala ng 56-anyos na si Sayoc ay posibleng may mga ibang napadalhan na.
Sinampahan na ito ng limang federal charges na binubuo ng Interstate transportation of an explosive, illegal mailing of explosives, threats against former presidents and other persons, threatening Interstate communications, assaulting current and former federal officers.
Maaaring makulong si Sayoc ng hanggang 48 taon dahil sa kinakaharap na kaso.
Kinasuhan na rin ang suspek noong 2002 ng pagbantaan niyang pasasabugin ang Florida Power and Light Co.
Naaresto na rin ang suspek noong Abril 10, 1999 dahil sa pagnanakaw ng sasakyan bukod pa sa pagnanakaw ng copper pipes sa Florida Home Depot noong 2014.
Bukod pa sa kasong pananakit, possession of synthetic anabolic-androgenic steroid. PILIPINO Mirror Reportorial Team