NAGPAKILALANG SUNDALO KULONG SA BARIL, PAGNANAKAW

ARESTADO ang isang 52-anyos na lalaking nagpakilalang dating miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) matapos makumpiskahan ng mga pulis ng baril, patalim at ninakaw na bisikleta sa Valenzuela City.

Kinilala ni Police Major Tessie Lleva, hepe ng Valenzuela Police Sub-Station 3 ang suspek na si Gerardo Patio, alyas “Gary”, residente ng Malolos City, Bulacan.

Ayon kay Lleva, habang nagsasagawa ng Comelec checkpoint ang kanyang grupo sa McArthur Highway, Barangay Marulas nang makita nila na hinahabol ng isang lalaki at sumisigaw ng “Magnanakaw, Magnanakaw, may baril, may baril” ang suspek na sakay ng bisikleta.

Kaagad namang hinabol at nakorner nina Cpl Mark Jason Cantillon at SSg Guillermo Angoluan ang suspek kung saan napag-alaman na ang bisikletang gamit nito ay pag-aari ng humahabol na biktimang si Robin Dacanay, 21-anyos, ‘carwash boy’ ng Barangay Marulas.

Nang kapkapan, nakuha kay Patio ang isang kalibre .38 revolver na kargado ng tatlong bala at isang kutsilyong nakasuksok sa kanyang baywang at nang hanapan ng kaukulang dokumento sa dalang baril ay wala itong maipakita sa mga pulis.

Ayon Kay Major Lleva, nagpakilala sa kanila si Patio na dating miyembro ng AFP at na-dismiss daw noong 2000 kung saan inamin din ng suspek na dati na siyang nakulong noong 2016 dahil sa pagbebenta ng ilegal na droga at nakalaya noong 2021.

Nahaharap ang suspek sa kasong Robbery with Threat and Intimidation, paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunitions) at BP 6 in relation to Comelec Resolution Number 10728. VICK TANES