DAPAT maparusahan ang mga taong nasa likod ng pagpapalaya sa mga bilanggo na convicted sa heinous crimes.
Ito ang pahayag ni Rev. Father Jerome Secillano, Executive Secretary ng Permanent Committee on Public Affairs, ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) kasabay ng pagdaraos ng pagdinig ng Senado sa naturang isyu nitong Lunes.
Ayon kay Secillano, hindi ang batas na Republic Act 10592 o ang conditional expanded Good Conduct Time Allowance ang problema sa kontrobersiyal na pagpapalaya sa mga bilanggo kundi ang mga opisyal na naatasang magpatupad nito.
Ipinaliwanag ng pari na naaangkop lamang na bigyan ng pangalawang pagkakataon ang lahat ng mga nagkasala matapos mapagdusahan ang kanilang nagawang kasalanan.
Gayunman, dapat aniyang matiyak na ang pagpapalaya sa mga ito ay nauukol sa isinasaad ng batas.
“Ang problema ay hindi sa batas kundi sa mga taong naatasan na mag-implementa nito. Tama na bigyan ng pagkakataon ang mga nagkasala. Maaaring sila ay nagsisi at handa na ring magbagong-buhay. Ngunit ang pagpapalaya sa kanila ay dapat ukol sa sinasabi ng batas,” ani Secillano sa panayam ng church-run Radyo Veritas.
Iginiit ng pari na dapat lamang na matukoy at mapanagot ang nasa likod ng pagpapalaya sa mga bilanggo nang hindi naayon sa batas sapagkat isang uri ito ng katiwalian at pagtataksil sa tiwala ng bayan.
Binigyang-diin rin niya na isang hamon para sa kasalukuyang administrasyon na mapatunayan ang paninindigan nito sa tama at sa katotohanan kaugnay sa nasabing usapin.
“Isang uri ng katiwalian na palayain ang isang bilanggo na hindi ayon sa batas. Dapat papanagutin kung sino man ang may gawa nito. Dapat patunayan ng gobyernong ito ang pagpanig sa tama at pagiging makatwiran,” anang pari.
Matatandaang nabunyag kamakailan na ilang taong convicted sa heinous crimes ang napalaya na dahil sa naturang batas.
Isa sa muntik nang makalaya dahil dito ay si dating Calauan Mayor Antonio Sanchez, na hinatulan ng pitong ulit na habambuhay na pagkabilanggo dahil sa panggagahasa at pagpatay sa UPLB student na si Eileen Sarmenta at pag-torture at pagpatay sa kaibigan niyang si Allan Gomez.
Umani naman ng public outrage ang insidente, kaya’t nahadlangan at hindi ito natuloy.
Katwiran ng pamilya ng mga biktima at mga taong tutol dito, hindi kuwalipikado si Sanchez na makalaya sa ilalim ng GCTA dahil hindi naman ito kakikitaan ng good conduct habang nakabilanggo matapos ang ilang paglabag, kabilang nang mahulihan ito ng ilegal na droga sa loob ng bilangguan, na itinago pa sa imahe ng Birheng Maria. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.