NAGPANGGAP NA HUMIHINGI NG TULONG, HOLDAPER PALA

QUEZON- ISANG modus ang natuklasan ngayon sa Tayabas City kung saan natangay ng isang lalaki ang mahigit P32,000 mula sa helper ng isang truck na kanyang hinoldap matapos magpanggap na humihingi ng tulong.

Naganap ang insidente sa Brgy. Silangang Palale, Tayabas City kamakalawa ng gabi.

Sa report ng pulisya, patungo sa Tayabas City proper ang truck na minamaneho ni alyas “Ricky” nang salubungin ito ng suspek na humihingi ng tulong.

Sa akala ng driver na nangangailangan ng tulong ang lalaki ay hinintuan ito at biglang tinutukan ng kutsilyo sa dibdib ang 19-anyos na helper at sapilitang kinuha ang nasabing pera saka tumakas sakay ng asul na motorsiklo.

Patuloy ngayon ang pagtugis ng mga awtoridad sa salarin na kasalukuyan ng nagtatago bigo din ang pulisya na makilala ang naturang suspek. BONG RIVERA