NAGPANGGAP NA SUNDALO TIMBOG SA PAGTATAGO NG BARIL

RIZAL- ARESTADO ang isang lalaki matapos makunan ng mga baril at bala sa kanyang bahay sa Sitio Pugala Brgy. Lagundi SA bayan ng Morong.

Batay sa ulat ni Rizal Police Provincial Director, Col Dominic Baccay kay CALABARZON Regional Director BGen Carlito Gaces, dakong alas- 4:30 kamakalawa ng umaga ay naaresto ang suspek na si Romeo Edulag y Bacuta, alyas Toto, 53- anyos ng pinagsamang puwersa ng PIU (Lead Unit), RPMFC at Morong MPS katuwang ang RSOU 4A.

Nagkasa ng operasyon laban sa suspek sa bisa ng search warrant at matagumpay na nakumpiska ang mga ebidensya sa lugar na nabanggit at mapayapa namang sumuko ang suspek sa mga awtoridad at maayos sa presensya nito na marekober ang mga ibat-ibang kalibre ng baril, bala, at mga paraphernalia.

Gayundin, sa mga impormasyong nakalap, ang naarestong suspek ay nagpapanggap na miyembro ng Philippine Army na ayon sa mga kapitbahay nito ay madalas na nagsusuot ng uniporme pang sundalo at nagdadala ng baril.

Dagdag pa nito, nasangkot na rin sa mga insidente ng indiscriminate firing at mining activity ang suspek kung saan ay hindi mai-report ng mga residente sa takot na rin na saktan sila nito.

Ang suspek ay agad na binasahan ng kanyang mga karapatan na mahaharap sa kasong paglabag ng R.A 10591 (Firearms Law) at kasalukuyang nakapiit sa Morong Custodial Facility para sa tamang disposisyon.

Ang pagkakahuli sa suspek ay resulta ng pinaigting na kampanya ng Rizal PPO sa loose firearms.

Isa rin ito sa dulot ng maganda at masigasig na pagtratrabaho ng buong Rizal PNP.

Sinisiguro ng Rizal PNP na ang mga mamamayan at probinsya ng Rizal ay ligtas mula sa mga ilegal na aktibidad. ELMA MORALES