NAGPAPAKAMATAY DUMARAMI

NAGPAPAKAMATAY

NAGPAHAYAG  ng pagkaa­larma ang isang Catholic archbishop hinggil sa patuloy na pagdami ng kaso ng suicide o iyong mga taong pi-ni­piling wakasan ang kanilang buhay, dahil sa depresyon at ‘di makayanang problema na kanilang dinadala.

Sa isang Pastoral Statement on Suicide, sinabi ni Capiz Archbishop Jose Advincula na hindi tamang wakasan ang sariling buhay dahil lamang sa kinakaharap na problema, na maaari namang masolusyunan.

Hinikayat din ng arsobispo ang mga mananampalataya at ang buong lipunan na magtulong-tulong upang mapigilan ang pagdami ng suicide cases.

Ayon kay Advincula, kinakailangang malaman ng mamamayan na ang mga taong pinipiling wakasan ang kanilang buhay ay may mabibigat na suliranin.

Maaari aniyang pinipili ng mga ito na magpakamatay na lamang dahil sa kakulangan ng suporta ng pamilya, mga kaibigan, o ‘di kaya ay nakararanas ng bullying o pangmamaliit ng kapwa, at iba pang mga problema sa kanilang relasyon.

“It is not right to play gods and to judge these persons who died by suicide. What we can do is to pray and entrust them the mercy and love of God,” bahagi ng pastoral statement.

Iginiit pa ng arsobispo na napakahalaga ang suportang manggagaling sa pamilya, paaralan, pamahalaan at sa simbahan para sa nakararanas ng depre-syon.

Hinikayat nito ang mga magulang at iba pang miyembro ng pamilya na maging malapit sa isa’t-isa at kumustahin ang kanilang kasama.

Sinabi ng Arsobispo na makabubuti ang madalas na pakikinig at pakikipagkuwentuhan upang matukoy kung mayroong pinagdaraanan ang isang mi­yembro sa pamilya.

Kaugnay nito, hinamon ni Archbishop Advincula ang mga nangangasiwa sa mga paaralan na supilin ang kultura ng bullying o ang pangungutya at pangmamaliit ng kapwa.

Aniya, magiging mas epektibo ito kung tutulong ang pamahalaan at simbahan sa pagkakaroon ng suicide prevention programs.

Tiniyak naman ng Arsobispo na laging nakahanda ang simbahan upang magbigay ng moral at spiritual na suporta sa mga taong dumaraan sa pag-subok at nakararanas ng dep­resyon.

Hinimok din niya ang mga taong may suliranin sa buhay na huwag mahiyang makipag-usap sa mga pari, o sa sinumang kanilang pinagkakatiwalaan upang hingin ang payo sa kanilang pi­nagdaraanan.

“As church, we are called to cultivate the culture of presence. Being present with anyone, letting them feel that we are with the especially when they are burdened would matter so much,” dagdag pa ng Arsobispo.

Batay sa ulat ng World Health Organization, umaabot sa 800,000 ang mga taong nagpapatiwakal taon-taon o katumbas ng isang taong nagpapaka-matay kada 40 segundo.  ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.