HINDI totoong health bill ang kontrobersiyal na Vape Bill kung kaya dapat lang itong i-veto ni Pangulong Rodrigo Duterte bago matapos ang kanyang termino sa Hunyo 30.
Ito ang nagkakaisang posisyon nina Senadora Pia Cayetano at ng grupo ng mga doktor na mariing tumututol sa pagsasabatas ng naturang panukala.
Nauna rito ay kinastigo ni Cayetano ang aniya’y ‘last-minute transmittal’ ng Kamara ng enrolled copy ng Vape Bill sa tanggapan ng Pangulo.
Aniya, ang opisyal na submisyon sa Malacañang ay naganap noon lamang Biyernes, Hunyo 24, bagama’t limang buwan na ang lumipas mula nang ipasa ng Senado at Kamara ang bicameral version ng Vape Bill noong Enero 26.
Para umanong sinadya ito, ayon sa senadora, para ‘di na mapag-aralang mabuti ng papalabas na administrasyon ang kontrobersiyal na panukala.
“Kahit maikli na lang ang nalalabing panahon sa panunungkulan ni Pangulong Duterte, umaasa ako na hanggang sa huling saglit ay maninindigan siya para sa kalusugan ng mga Pilipino. Mahal na Pangulo, please veto the Vape Bill,” apela ni Cayetano.
Dagdag naman ni Dra. Maricar Limpin, pangulo ng Philippine College of Surgeons, nagpapanggap na ‘pro-health’ ang Vape Bill dahil ang totoo’y pahihinain nito ang mga regulasyon ng pamahalaan patungkol sa e-cigarettes at vapes sa ilalim ng Sin Tax Law.
Paliwanag ng doktora, tatanggalin ng Vape Bill ang regulatory authority sa e-cigarettes mula sa Food and Drug Administration (FDA) at ililipat ito sa Department of Trade and Industry (DTI), kung kaya mawawalan ng ngipin ang gobyerno para epektibong mabantayan ang banta sa kalusugan ng naturang mga produkto.
Ayon pa rin kay Limpin, ibababa ng Vape Bill ang age of access sa e-cigarettes mula sa kasalukuyang 21 tungo sa 18 taong gulang.
Bukod dito, pahihintulutan, aniya, ng Vape Bill ang pagbebenta ng iba’t ibang vape flavors. Ito’y taliwas sa kasalukuyang regulasyon na naglilimita lang sa dalawang flavors: plain menthol at plain tobacco.
Samantala, sinabi ni Dra. Riza Gonzalez, chairperson ng Philippine Pediatric Society Tobacco Control Advocacy Group, na mga kabataang Pilipino ang tunay na target market ng Vape Bill, kung kaya dapat lang itong i-veto ng Pangulo.
“FDA ang dapat maging regulatory body, at dapat ma-implement ang flavor restrictions na attractive sa mga bata,” diin pa niya.
Para naman kay Dr. Ulysses Dorotheo, Executive Director ng Southeast Asia Tobacco Control Alliance, Pilipinas na lang ang tanging bansa sa rehiyon na hindi health department ang nangangasiwa sa regulasyon ng sigarilyo at tobacco products.
Kung kaya sang-ayon siya sa pinakahuling desisyon ng Korte Suprema na inilabas noong Hunyo na pumapabor sa FDA bilang regulator sa aspetong pangkalusugan ng sigarilyo.
Diin pa ni Dr. Dorotheo, pinalalakas ng Supreme Court decision ang panawagan ng medical associations at health advocates na i-veto ang Vape Bill.