NAGPASAKLOLO SA PAG-IBIG

MEDYO kalmado ngayon ang mga residente sa Viva Homes subdivision sa Salawag Dasmarinas Cavite, na ‘di natuloy ang umano’y demolition sa kanilang subdibisyon.

Sobrang ramdam ng Kaliwa’t Kanan ang nararamdaman ng mga nakatira roon sapagkat ‘yun ba namang matapos na bayaran ang kanilang mga lupa’t bahay ay nadiskubre nilang ang kanilang subdibisyon ay iba pala ang nagmamay-ari.

Naging malupit sa kanila ang kapalaran dahil maraming retiradong teachers, government employees, mga sundalo at iba pa ang bumili ng lupa upang tayuan ng kanilang mga bahay, subalit makaraan ang isang dekada ay mayroong ibang umaangkin dito.

Minsan nang lumapit ang Home Owners Association sa Kaliwa’t Kanan upang tulungan silang maipaabot kay President Ferdinand Bongbong Marcos, Jr. ang kanilang hinaing. Kaya naman kinausap natin ang ilan sa mga kinauukulan upang tulungan ang may isang libong pamilya na nakatira sa nasabing subdibisyon.

Grabeng stress ang kanilang naramdaman lalo na ang mga senior citizen kung saan ang iba ay nagkasakit na.

Sabi nga ng ilan nating kaibigan sa nasabing subdibisyon, hindi na makatarungan ang ginawa sa kanila kaya naman walang tigil ang mga opisyal ng HOA na lumapit sa mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan upang mabigyang solusyon ang nasabing problema.

Ilang beses din umanong nagkaroon ng mga asembliya sa nasabing subdibisyon hanggang sa maging si Cong. Pidi Barzaga ay nagsalita na hinggil dito ,ngunit iniwan din sila matapos na makipagtalo sa abogado ng Viva Homes.

Tunay na nakakaawa ang naging kalagayan ng mga residente rito, ‘yun nga namang ipinaayos nila ang mga bahay sa tulong na rin ng Pag-IBIG subalit hindi nila namalayan na iba na pala ang may ari ng kanilang subdibisyon.

Hindi na rin natin nasubaybayan ang mga pangyayari dahil sa naging abala na rin ang Kaliwa’t Kanan sa ilang mga bagay.

Hanggang sa napag -alaman na nagkausap na pala ang PAXTON, na sinasabing may ari ng subdibisyon at ang HOA at nagkaroon ng temporary na hold ang demolition.

Matindi rin ang sinasabi ng PAXTON na ang gusto ay magbayad daw ulit sa kanila ang mga residente.Bakit ang mga nakatira sa subdibisyon ang kanilang oobligahin na pagbayarin gayong may mga titulo na ang karamihan sa kanila at tapos nang bayaran sa Pag-IBIG. Bakit hindi ang Vikal?

Kaluwagan po ang naisin ng mga nakatira sa nasabing subdibisyon at hindi ‘yung basta na lamang sila ide-demolish na para bang nakatira sa mga squatter area na kung gustong paalisin ay paalisin.

Kaya naman, patuloy na naghihintay ang lahat mga nakatira sa Viva Homes ng bagong kaganapan sa ipapatawag na meeting sa pagitan ng PAXTON, Pag ibig at HOA.

Antabayanan natin kung anong mangyayari. Malalim na usapin yan at tutukan natin para sa kaawa-awang biktima mga.
o0o
Kung mayroon po kayong comment o mga suhestiyon eto po ang ating email ad. [email protected]