(Nagpayo na magpaareglo ang complainant) CHIEF OF POLICE, 4 PA SINIBAK SA PUWESTO

police

PASAY CITY – LIMANG pulis kabilang ang kanilang commander ang sinibak sa puwesto  kahapon ni National Capital Region Police Officer (NCRPO) chief Director Guillermo Eleazar matapos umanong payuhan ng mga ito ang mga magulang ng tatlong estudyante na minolestiya ng isang Chinese na aregluhin na lamang umano ang kaso na kanilang isinampa.

Ang mga pulis na sini­bak ay ang commander ng Police Community Precint (PCP) 1, Pasay City Police na si Chief Inspector Remedios Terte; mga tauhan nito na sina  SPO3 Timothy Mengote; SPO2 Jonathan Bayot; PO3 Archie Rodriguez at PO3 Ranier Dumanacal.

Nabatid na noong nakaraang Huwebes (Pebrero 7) ay dinakip ng naturang mga pulis ang suspek na si alyas Zhang, 19, pansamantalang naninirahan sa Antel Tower sa Pasay City  sa loob ng Dungeon Horror House, Star City Amusement Park, CCP Complex dakong11:00 ng gabi bunsod sa reklamo ng tatlong estudyante.

Si Zhang ay dinakip ng mga naturang pulis matapos silang makatanggap ng reklamo hinggil sa umano’y pangmomolestiya nito sa tatlong kababaihang estudyante na nasa 18-anyos ang mga edad sa nabanggit na amusement park.

Napag-alaman nang dalhin ang nabanggit na suspek sa himpilan ng PCP 1 ay pinayuhan umano ang mga ina ng mga biktima na maki­pag-areglo na lamang ang mga ito sa suspek.

Gayunpaman ay hindi pumayag ang mga biktima at mga magulang nito hanggang sa tuluyang sinampahan ng kasong Acts of Lasciviousness ang nabanggit na dayuhan sa Pasay City Prosecutor’s Office.

Nagsumbong naman ang mga magulang ng mga biktima sa tanggapan ni  Eleazar hinggil sa hindi magandang pagtrato at ang naging payo sa kanila ng mga pulis. MARIVIC FERNANDEZ