IPINARATING ng Quezon City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) na nag-negatibo na sa COVID-19 ang lalaking dinala sa Quezon City ng kanyang manning agency matapos isailalim sa ‘reswabbing’ nitong Pebrero 10, sa testing facility sa Pasay City.
Ayon kay CESU head Dr. Rolly Cruz, ang kasama naman niyang inilipat din sa Hope Facility ay sumailalim na rin sa swab test, at malalaman agad ang resulta.
Kasalukuyang nakatutok ang CESU sa ‘contact tracing’ at pag-interview sa higit-kumulang 350 indibidwal na nasasakop ng 50-meter radius sa lugar na tinirhan ng lalaki.
Nabatid na walo sa mga ito ang nagpakita ng sintomas, kaya naka- home quarantine na habang hinihintay ang resulta ng kanilang swab test.
Sa naturang bilang, 106 na ang sumalang sa swabbing. Target ng CESU na tapusin ang swabbing sa lalong madaling panahon.
Natukoy na ng CESU ang driver ng isang courier at magsasagawa na rin ng contact tracing sa kanyang mga nakasalamuha.
“Hopefully, matapos na natin ang swabbing today. Wala pa po tayong nirerekomendang lockdown sa lugar dahil wala pa naman tayong natutukoy na clustering ng kaso. But since we have swabbed members of the community, it is a protocol na hindi muna sila dapat lumabas ng bahay,” saad ni CESU head Dr. Rolly Cruz.
Nitong Huwebes,iginiit ng pamahalaang lungsod ng Quezon na kakasuhan ng lokal na pamahalaan ang agency dahil dinala pa sa Quezon City ang lalaking nagpositibo sa B1.1.7 (UK Variant) ng COVID-19, imbes na sa isang quarantine facility.
Ang lalaki ay nanunuluyan sa isang hotel sa Maynila habang naghihintay na makapag-abroad ulit bilang OFW. BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.