CAMP CRAME – PINURI ni Philippine National Police (PNP) Chief, Dir. Gen. Oscar Albayalde ang katatapos na operasyon ng Anti-Kidnapping Group sa Northern at Central Luzon gayundin ang Laguna Police Provincial Office sa Police Regional Office-Calabarzon makaraang malansag ang dalawang Organized Crime Groups na sangkot sa gun for hire activities.
Ang nasabing dalawang grupo ay hina-hire ng mga politiko bilang private armed groups (PAGS) partikular na ginagawa ng mga ito ay ang illegal trade ng droga at kidnapping for ransom.
Nadakip ng AKG ang limang miyembro ng Peralta Group na sangkot sa pamamaslang sa Nueva Ecija, Bulacan, Tarlac, Metro Manila, at Cagayan Valley.
Habang ang kanilang lider na si Ricardo Peralta ay pinaghahanap pa rin para sa kasong multiple murder, kidnapping, carnapping, highway robbery, at brigandage.
Si Peralta ay akusado rin sa pagpaslang kina Ericson at Ebertson Pascual sa Nueva Ecija noong 2006 at may patong na P5 milyon.
Sa hiwalay na operasyon, naaresto sina Dennis Matias, Mary Ann Mallari, Raymond Dequina, John Laña at Jackie Lou Isidro.
Nakuha sa kanila ang pitong armas, 22 ATM cards, tatlong sasakyan, apat na cellphones at mga pampasabog.
Samantala, sa San Pablo City, ang mga operatiba ng n San Pablo City Police Station sa ilalim ni Supt Eliseo Bernales katuwang ang Provincial Mobile Force Company ay nagpatupad ng search warrant na inilabas ni Hon. Agripino G. Morga, Presiding Judge ng RTC branch 32 sa San Pablo City sa Alvero Compound, Brgy. San Ignacio sa kasong alleged violation ng Republic Act 9165 (illegal drugs) at Republic Act 10591 (illegal possession of firearms).
Sa record, si Alvero ay nasa drug watchlist ng City Anti-Drug Abuse Council of San Pablo City bilang High-Value Target.
Naaresto sa nasabing operasyon sina Anthony Rosas at Enrico Eric Suasi at narekober mula sa mga ito ang isang Sniper rifle, automatic shotgun, isang M16 assault rifle, anim pang handguns, dalawang granada at iba’t ibang ammunition para sa ibang armas.
Pinuri rin sa harap ng media ni Albayalde sina AKG Director CS Glenn Dumlao, Regional Director ng PRO CALABARZON, Chief Supt. Edward Carranza at Laguna Police Provincial Office sa pamumuno ni Sr. Supt. Eleazar Matta. EUNICE C.
Comments are closed.