NAGTAGO SA REHAB CENTER, KELOT UMAMING KILLER NG LOVER

Rehab center

VALENZUELA CITY – HULI ang isang lalaki matapos aminin na siya ang pumatay sa isang babae na kanya umanong karelasyon bago itinapon ang bangkay nito sa palaisdaan na sakop ng lungsod na ito.

Kinuha ng mga tauhan ng Valenzuela Police Station sa rehabilitation center sa Mabalacat, Pampanga sa pangunguna ni P/ Major Jose Hizon ang suspek na si Godofredo Perdigun, 47, ng 149 A. Concepcion St., Brgy. Pasolo, Valenzuela City na nahaharap sa kasong murder.

Bago ito dinala sa Valenzuela Police, isinagawa ni P/Corporal Ryan Alburo ang extra judicial confession, kaharap  ang abogado ng akusado at kinatawan ng rehabilitation center.

Sa kanyang extra judicial confession, inamin ni Perdigun na siya ang pumatay sa pamamagitan ng pagsaksak  kay Rosalie Mission Sagal, at nagsilid sa plastic bag saka itinapon sa isang fish pond sa  Brgy. Pasolo, Valenzuela City noong Hulyo 21, 2019.

Para itago ang krimen, noong Hulyo 26, nagtungo sa isang rehabilitation center sa Mabalacat, Pampanga si Perdigun at nagpanggap na ipagagamot ang sarili dahilan sa pagkagutom nito sa shabu.

Agosto 3, 2019, nang makita ang labi ng biktima sa naturang palaisdaan. EVELYN GARCIA

Comments are closed.