UMABOT sa mahigit 8 percent ang share ng tourism sector sa ekonomiya ng bansa, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Sa datos na inilabas ng PSA noong Martes, lumitaw na base sa Philippine Tourism Satellite Account, ang share ng Tourism Direct Gross Value Added (TDGVA) sa ekonomiya ng bansa na sinusukat ng gross domestic product (GDP) ay tinatayang nasa 8.6 percent noong 2023.
Ang TDGVA sa naturang panahon ay nagkakahalaga ng P2.09 trillion, mas mataas ng 47.9 percent kumpara sa P1.41 trillion noong 2022.
“This is the highest growth of tourism since the start of the data compilation in the year 2000,” ayon sa PSA.
Itinatala taon-taon, saklaw ng Tourism Satellite Account ang accommodation services, food and beverage serving activities, transport services, travel agencies and other reservation services, entertainment and recreation services, shopping, at miscellaneous services.
Ayon sa PSA, sa hanay ng anyo ng tourism expenditures, ang inbound tourism expenditure ang nagposte ng pinakamataas na paglago na 87.7 percent, na nagkakahalaga ng P697.46 billion.
Sumusunod ang domestic tourism expenditure na lumago ng 72.3 percent, mula P1.55 trillion noong 2022 sa P2.67 trillion noong nakaraang taon.
Ang outbound tourism expenditure ay tumaas ng 10 percent sa P189.29 billion habang ang internal tourism expenditure na binubuo ng inbound at domestic tourism expenditure, ay lumago ng 75.3 percent sa P3.36 trillion.
Ayon sa PSA, ang share ng employment sa tourism industries sa total employment sa bansa noong 2023 ay naitala sa 12.9 percent.
“Employment in tourism characteristic industries was estimated at 6.21 million in 2023, higher by 6.4 percent compared with the 5.84 million employment in tourism characteristic industries in 2022,” ayon sa PSA.