SA pagtatapos ng mga lider-magsasaka na 10 araw sinanay kung paano mapalalakas ang kanilang ani sa paggamit ng mga modernong makinarya at produksiyon ng matataas na kalidad na inbred seeds, umaasa si Sen. Cynthia Villar na mapauunlad ng mga magbubukid ang kanilang hanay.
Nagtapos kamakalawa ang 2ND batch na 31 lider-magsasaka sa Villar Social Institute for Poverty Alleviation and Governance (Villar SIPAG) katuwang ang mga guro at eksperto ng Philippine Rice Institute (Philrice), Philippine Center for Post-Harvest Development (Philmech) at Agricultural Training Institute (ATI) sa dating compound ng Georgia College pero Villar SIPAG Farm School na ngayon sa Barangay Kaypian, City of San Jose del Monte sa Bulacan.
“Sa inyong pagtatapos ngayon, kayo na ang mga trainor o magsasanay at magiging mahalagang bahagi upang maparami ang mga magsasakang magbebenta at makikipagkalakan ng mabuting binhi ng palay,” sabi ni Villar sa kanyang pahayag makaraan ang pagtatapos ng mga lider-magsasaka.
Sinanay ang 31 lider-magsasaka ng Philrice, Philmech at ATI trainers sa Training Course on the Production of High-Quality Inbred Seeds and Farm Mechanization kaya nagkaroon ng bagong kaalaman ang mga nagsanay sa mga modernong makina sa pag-ani ng palay at nilinaw sa kanila ang benepisyo ng inbred seeds para mapalaki ang inaaning palay at kita ng mga magsasaka.
Ikinuwento rin ni Villar, tagapangulo ng Committee on Agriculture and Food sa Senado, ang isang magsasakang French na nakilala niya na mag-isang sinasaka ang mahigit 200 ektaryang bukirin gamit ang mga makabagong kagamitan kaya ipinunto niya sa 31 lider magsasaka ang halaga ng “mechanization” o makinasyon sa pagsasaka.
Idinagdag ni Villar na sa ilalim ng rice tariffication bill na nakapasa sa ikatlong pagbasa sa Senado noong nakaraang Miyerkoles, kabilang sa mapaglalaanan sa P10 bilyong Rice Enhance Competetiveness Fund ang pagpapaunlad, pagpapalawak at promosyon ng inbred seeds sa mga magsasaka.
“Kaya umaasa akong mas dadami pa ang mga farm school sa ating bansa upang maraming maging katulad ninyo na magpapalaganap ng makabagong teknolohiya sa pagsasaka,” dagdag ni Villar.
Kabilang sa 31 lider magsasaka na nagsipagtapos ang mula sa mga lalawigan ng Cordillera Autonomous Region, Region 1, Region 2, Region 3 at Calabarzon, at Oriental Mindoro, Sorsogon, Camarines Sur at Albay. Papapel na sila bilang mga tagapagsanay o trainers para makapagprodyus ng mataas na kalidad ng binhi sa kanilang mga sarili ang mga magbubukid.
Nagsimula ang unang batch ng training course noong nakaraang Nobyembre 7 sa Philrice Central Experiment Station sa Science City of Muñoz sa Nueva Ecija na nilahukan din ng mga opisyal ng Department of Agriculture. Philrice, PhilMech at ATI. ARIEL BORLONGAN
Comments are closed.